AYAW magpaawat ng UST Tiger Paddlers sa paghakot ng mga parangal sa off-season pagkatapos nilang maging kampeon sa 1st Andro Cup National Table Tennis Championship noong Hulyo 30 na ginanap sa Sioland Badminton Court sa Candelaria, Quezon.
Naghari ang UST-B na isa sa tatlong koponang inilahok ng Tiger Paddlers nang talunin nina Tiger Paddlers head coach Henberd Ortalla at Juniors coach Celjun Ortalla ang Lopwes Table Tennis Association (LOPTTA), 3-2, para sa titulo. Itinanghal namang second runner-up ang Filipino Chinese Table Tennis Club of North District (FCTTCND).
Pareho ring pinadapa ng UST-B sa straight setters ang FCTTCND sa quarterfinals at ang UST-A sa semifinals.
“Nagawa naman naming makipagpalitan ng puntos sa LOPTTA kaya makikita naman na ginawa ng mga bata ang lahat para manalo,” wika ni Henberd Ortalla sa Varsitarian.
Napako naman sa pang-apat na puwesto ang UST-A na ibinandera ng mga beteranong Tiger Paddlers na sina Glenn Rodriguez at Michael Paña matapos silang kapusin laban sa FCTTCND, 2-3. Sa naunang laban sa quarterfinals, pinulbos ng UST-A ang Andro-B (Cavite), 3-0.
Hindi man napasakamay ng UST-A ang kampeonato, naging masaya pa rin sila sa resulta ng laban dahil pinahirapan nila ng husto ang kanilang mga katunggali. Sa katunayan, napatumba ni Paña ang assistant coach ng University of the East na si Michael Dalumpines sa quarterfinals, 3-2.
Hindi naman pinalad na makakuha ng puwesto ang UST-C na kinabibilangan ng mga bagitong Tiger Paddlers dahil sa kakulangan ng kasanayan laban sa mga mas beteranong manlalaro.
Isa lamang ang Andro-Cup sa mga off-season na torneyong nilahukan ng UST bilang paghahanda sa nalalapit na kumpetisyon nito sa UAAP sa Setyembre. Noong Hunyo, nakuha ng UST ang gold at bronze sa 5th Filipino Chinese Friendship Games National Table Tennis Championships at bago matapos ang buwan, nakuha naman ng Tiger Paddlers ang ikatlong puwesto sa 5th Filipino Chinese Amateur Athletic Federation Table Tennis Cup. Ma. Jesamine D.G. Palarca
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment