UST Paddlers, gigil sa titulo

NAUDLOT man ang hangaring tumbasan ang pitong-taong paghahari ng mga Tomasinong paham ng dekada ’90 matapos igupo ng Far Eastern University (FEU) noong nakaraang taon, muling nagbabalik ang kasalukuyang henerasyon ng mga UST Tiger Paddlers sa Season 70 upang muling magsimula ng panibagong dinastiya sa UAAP.

Sa nakapanghihinayang na katapusang sinapit ng UST noong nakaraang Season 69, nagwakas ang apat na taong pamamayani ng mga Tiger Paddlers sa table court. Ngunit ngayong taon, tangan ang bagong sigla at pag-asa, muling sasabak sa torneo ang mga bata ni coach Henberd Ortalla upang bawiin ang korona pabalik sa UST.

Tiwala si Ortalla sa magiging positibong kapalaran ng kanyang koponan dahil sa puspusang pag-eensayo ng bawat isa. Anim na araw sa isang linggo, at tatlong oras sa isang araw ang ensayo ng mga UST Paddlers para lubusang ihanda ang kanilang mga sarili sa pagbubukas ng laban.

“Umulan, at umaraw, bumagyo man, meron kaming training,” sabi ni Ortalla sa Varsitarian. “Kahit walang pasok sa UST, kami may pasok pa rin.”

May mga pagkakataon din na umaabot ng limang oras ang ensayo ng koponan lalo na kapag walang klase ang mga manlalaro. “Minsan, may mga araw na nagpa-practice kami sa umaga sa UST gym at meron din sa hapon sa Rizal Stadium,” ani Ortalla.

Pulidong koponan

Naniniwala si Ortalla na malakas ang kanyang mga pambato at mas may ibubuga kumpara sa nakaraang taon, bagamat hindi makapagpapakitang gilas ang beteranong si Felix Marfori na may problema sa kanyang mga marka.

Pangungunahan ni Glen Rodriquez ang Tiger Paddlers ngayong taon kasama ang mga kapwa beteranong sina Michael Paña, Kenneth Baring, Reygea Rosales, Julius Rola, at mga sophomores na sina Christian Vicente at Aaron Morales gayundin ang bagitong si Kevin Morante na bubuo sa walong-taong koponan ng UST.

Samantala, muling ipapamalas ng 2005 UAAP MVP na si Princess Paña at mga kakamping sina Chrisma Capistrano, Cecilia Bazar, Kate Ilagan, Cheryl Peralta at sophomore Cassandra Bazar ang bangis ng Season 69 champions na Lady Paddlers. Sasamahan sila ng nag-iisang rookie na si Kate Redoblo.

Nagbabalik din ang 2002 Rookie of the Year at 2003 UAAP MVP na si Jaymee Yanga, bagamat hindi siya mabibilang sa mga frontliners ng UST dahil sa kakulangan sa ensayo upang unahin ang pag-aaral bago ang nalalapit niyang pagtatapos.

Hindi man sumali sa maraming paligsahang off-season ang UST, nagkaroon naman ng alternatibo si Ortalla upang mas lalong hasain ang kakayahan ng kanyang mga manlalaro. “Tuwing Linggo, nag-iimbita ako ng mga ka-tune-up ng mga players,” sabi ni Ortalla.

Kabilang dito ang koponan ang College of St. Benilde, Philippine Christian University, at maging ang kanyang mga kaibigang Tsino na batikan din sa table tennis.

“Malakas ang mga ibang schools lalo na ang FEU na merong national team player, pero kakayanin ng mga bata ang mga pagsubok,” sabi Ortalla. “Basta hindi lang kami maging overconfident.”

Tomo LXXIX, Blg. 3 • Setyembre 7, 2007

FELIX MARFORI

Ang pogi ni Felix Marfori. Crush ko siya! Hehehe.

Post new comment

  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <p> <br>

More information about formatting options

User login

Recent comments

Disclaimer

Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.