UMARANGKADA ang UST Mountaineering Club (USTMC) nang mapanalunan ng dalawang grupo nito ang kampeonato at first runner-up sa paligsahang Sierra Karera (elite category) noong Hulyo 15 sa Maria Canili, Aurora Province.
Tinapos ng Conquer-USTMC Nomads, na binubuo nina Libert Lomuntad, Elaine Lerios, at Gerric Lomuntad, ang karera sa loob ng 10 oras at 55 minuto. Samantala natapos naman ng USTMC-Herbert Bautista ang karera sa loob ng 11 oras. Pumangatlo ang professional athletes ng Sierra-Pilipinas na natapos sa loob ng 12 oras.
“Hindi namin inaasahan ang aming panalo dahil professionals talaga ‘yung mga kalaban namin, pero nadaan namin sa tiyaga,” ani Libert Lomuntad sa Varsitarian.
Dumaan sa maraming pagsubok ang USTMC Nomads at USTMC-Herbert Bautista sa loob ng 60-kilometrong karera. Kinailangan nilang magbisikleta, mag-rappel, mag-river trekking (paglakad at paglangoy sa ilog), at umakyat sa matarik na bundok.
Dumating sa puntong napag-iiwanan na ang USTMC Nomads dahil nabutas ang gulong ng isa sa kanilang mga bisikleta. Ngunit hindi agad sila sumuko at nagawang humabol sa mabilis na pagtapos ng rapelling at river trekking.
Mayroon lamang anim na koponan na lumahok sa Sierra Karera dahil sa bagyong Glenda.
Rudygirl challenge
Samantala, nanguna ang mga kababaihan ng USTMC sa kauna-unahang Rudygirl Project Adventure Race noong Hulyo 1 sa La Mesa Dam.
Ipinanalo nina Elaine Lerios at Flor Delu Descalar ang titulo sa veteran category sa loob ng anim na oras, 15 minuto at 50 segundo. Kinuha naman ng koponang Lakambini, na binubuo ng miyembro ng University of the Philippines Mountaineering Club, at ng mga professional athletes ng Cycling Zone, ang pangalawa at pangatlong puwesto. Natapos ang Lakambini sa loob ng anim na oras, 46 minuto at isang segundo, habang nakatapos naman ang Cycling Zone sa loob ng anim na oras, 52 minuto at 35 segundo.
“Pinatunayan ng aming panalo na kayang magwagi ng mga kababaihan sa mga adventure race kahit walang suporta ng mga kalalakihan,” ani Lerios sa Varsitarian.
Dagdag pa niya, malaki ang naitulong ng kakayahan nilang magbasa ng mapa sa kanilang pagkapanalo.
“Mayroong mga koponan na nauna sa amin, ngunit hindi nila nadaanan ang ilang mga checkpoints,” ani Lerios. “Parte rin kasi iyon ng karera.”
Mayroong 12 checkpoints sa 60-kilometrong karera. Kapag nalampasan o hindi natapos ng isang koponan ang isang obstacle o puzzle, madaragdagan ang kanilang oras bilang penalty.
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment