BAGAMAN maraming bagito at ilang datihang manlalarong UST Judokas ang hindi makakalahok ngayong taon, kumbinsido si head coach Jojo Arce na hindi ito magiging hadlang upang maiuwi nilang muli ang titulo ng UAAP Judo Tournament sa Setyembre 13-14.
Sa isang panayam ng Varsitarian, sinabi ni Arce na hindi matatawaran ang kakayahan ng mga bagito.
“Maraming baguhan sa koponan ngayong taon, pero patuloy pa silang gagaling hanggang sa dumating ang UAAP,” ani Arce.
Kahit maraming baguhan, may mga naiwan pa rin na mga beteranong inaasahang babandera para sa Tiger Judokas. Pangungunahan nina Francis Lim (-90 kg division) at Stephen Gerena (-60 kg division) ang pagtatangka ng UST na makuha ang kampeonato. Nariyan din sina Gian Carlo Saulo na ginulantang ang kanyang mga kalaban noong nakaraang season nang manalo siya agad ng gold sa -100 kg division sa kanyang rookie year, at Jordan Carpio (-81 kg), bronze medalist noong nakaraang UAAP, at silver medalist naman sa -81 kg division noong Hulyo sa National Judo Juniors Championship.
Inaasahan ding maganda ang magiging laro ng 16 na taong gulang na si Jigoro de Castro, isang blackbelter at nagkamit ng gold sa National Judo Juniors Championship.
Sa panig naman ng Lady Judokas, ang UAAP defending champions, tatlong manlalaro ang hindi makakasali ngayong taon dahil sa academic deficiencies at personal commitments.
“Malaking kawalan sina Jane Capawa, Jayne Hailo at Season 68 MVP Camille Hipolito, kaya dapat talagang galingan ng mga natira kung gusto pa rin nilang maging kampeon,” ani Arce.
Dahil sa natamo niyang ACL injury sa ensayo, hindi rin makakalahok si Joanna de Castro na gold medalist sa National Judo Juniors Championship.
Sina Vanessa Roa (-52 kg division) at Trixy Mae Llamas (-48 kg division) ang inaasahan ni Arce na maganda ang ipakikita sa UAAP Judo Tournament.
Dagdag pa ni Arce, tututukan niya ang pag-eensayo ng UST Judokas sa Agosto.
“Pinagpahinga ko muna si assistant coach Steve Esteban para maiba ang istilo ng pag-eensayo,” ani Arce. “Kapag siya kasi ang nagsasanay, hindi gaanong napagtutuunan ang basics dahil kayang-kaya niyang patumbahin ang mga players kaya dinadaan nila sa lakas ang mga laro nila kaysa sa diskarte.”
Nagkampeon ang UST Lady Judokas noong isang taon sa UAAP matapos manalo ng apat na gold at dalawang silver, habang first runner-up naman ang Tiger Judokas na nagwagi ng tatlong gold at isang bronze.
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment