“IMPOSIBLE” ang salitang nakahiligan nang hamakin ng UST Tiger Judokas sa UAAP simula pa nang lumahok ito sa torneo noong 1996.
Ngunit ngayong Season 70, magawa pa rin kayang takasan ng mga nagtatanggol na kampeon ang masaklap na kapalarang maaari nilang sapitin sa pagbubukas ng laban sa Oktubre 6-7 sa kabila ng matinding dagok sa kanilang line-up?
“Mukhang malabo,” sinabi ni coach Jojo Arce sa Varsitarian. “Madaming malalakas ang hindi makakapaglaro, pero hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa.”
Bagamat muling pangungunahan ni Season 69 MVP Stephen Gerena ang kampanya ng Tiger Judokas, ang di-inaasahang paglinas nina Jordan Carpio (-90 kg) Jigoro De Castro (-100 kg) at Austin Ngo (+100 kg) sa koponan ang magiging malaking balakid sa pagpapanatili nila ng korona sa bakuran ng UST.
Nanalo si De Castro at Ngo ng silver sa nakaraang National Kids and Juniors Judo Championship habang si Carpio naman ay humakot ng ginto sa torneo pagkatapos pabagsakin si Angelo Choi ng De La Salle University. Hindi makakasabak sa bakbakan si De Castro at Carpio dahil sa illegibility habang si Ngo naman ay umalis sa koponan dahil sa problemang personal.
Magiging malaking kawalan din ang hindi paglalaro nina Season 69 bronze medalist Bernard Gatchalian (+100 kg) at National Judo Championsips bronze medalist Pancho Gonzales (-73 kg).
Sa kabila nito, umaasa si Arce na ang talento at karanasan ng kanyang mga beteranong manlalaro tulad nina Gerena (-60 kg), Francis Lim (-90 kg) at Visam Calimlim (-73 kg) ang magiging susi sa muli nilang pagsampa sa lona ng tagumpay.
Sa panig naman ng Lady Judokas, magbabalik upang maglaro sa kanilang huling taon sina Katherine Chua (-57 kg), Joana De Castro (-63 kg), Carmela Bernardino (-78 kg) at Team Captain Vanessa Roa (-52 kg). Sasabak din si Season 69 silver medalist Trixie Ann Llamas (-48 kg) na kamakailan lang ay gumaling na mula sa kanyang leg injury.
Kumpiyansa si Arce sa kanyang mga babaeng pambato ngayong taon, bagamat di sila gaanong nakapag-eensayo dahil sa magkakasalungat na oras sa pagpasok. “Hinasa ko ng husto ang mga manlalaro pagdating sa teknik,” sabi ni Arce. “Mas magiging maganda na ang kanilang laban at sa tingin ko ay malaki rin ang kanilang tsansang mag-kampeon.”
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment