SA KABILA ng kaunting aberya, pinagtibay ng UST Tigresses ang kanilang kartada para lumagak sa ikatlong pwesto sa kalagitnaan ng ikalawang round ng UAAP women’s basketball tournament.
“Kung gusto naming manatili sa number three spot o umakyat sa second, hindi na kami patatalo sa aming natitirang laban,” sabi ni coach Peque Tan sa Varsitarian.
Armado ng malagkit na man-to-man full-court pressure defense, pinulbos ng Tigresses ang National University (NU) Lady Bulldogs, 73-44, noong Agosto 25 sa Ateneo gym, para umakyat sa 7-3 win-loss card.
Gitgitan ang laban sa unang half nang biglang bumulusok ang Tigresses sa isang nakakahilong 16-0 run na tinapos ng lay-up ni Remia Buenacosa mula sa pasa ni Elaine Orillano, para iangat ang UST sa pagtatapos ng third quarter, 48-33.
Muling rumatsada ang Tigresses sa fourth quarter matapos maghulog ng 15-0 bomba upang iposte ang kanilang pinakamalaking lamang sa laban, 63-30, na tuluyang gumunaw sa pag-asa ng Lady Bulldogs.
Nanguna para sa UST si Marichu Bacaro na nagtala ng game-high 27 puntos kabilang ang tatlong three-point shots, habang nag-ambag naman si Buenacosa ng 15.
Hindi sapat
Samantala, namantsahan ang limang sunod na panalo ng Tigresses mtapos kapusin sa huling yugto kontra sa University of the Philippines (UP) Lady Maroons, 64-73, noong Agosto 21 sa Far Eastern University (FEU) gym.
Isang umaatikabong tres ang pinakawalan ni Anna Asistio ng UP, may 5:27 minuto ang nalalabi sa ikatlong quarter upang itabla ang iskor sa 36 bawat isa at sa kalaunan ay umabante, 46-49, sa pagtatapos ng yugto.
“Napagod ang mga bata sa man-to-man defense,” sabi ni Tan. “Kaya naiiwanan sila kahit gusto nilang pigilan ang opensa ng kalaban,”
Sa umpisa ng huling yugto, naglunsad ng 10-0 run ang Lady Maroons para tuluyang lumayo, 50-61, at hindi na payagan pang humabol ang mga Tigresses, na nahulog sa kanilang ikalawang pagkatalo sa UP ngayong taon.
Kumabig si Lady Maroon Fatima Tolentino ng 16 puntos at siyam na rebound habang pinangunahan ni Buenacosa ang Tigresses sa bisa ng 23 puntos at siyam na rebound.
Bago harapin ang UP, nauna nang iginupo ng UST ang University of the East Amazons, 66-59, noong Agosto 19 at Far Eastern University Lady Tamaraws, 57-52, noong Agosto 12 sa Ateneo gym.
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment