HINDI MAN nagawang segundahan ng UST Growling Tigers kanilang impresibong paglipol sa Ateneo de Manila University Blue Eagles sa unang round, bumangon naman ang mga ito upang muling durugin ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 80-61, noong Setyembre 3 sa Araneta Coliseum.
“Hindi ko na iniisip ang standings,” ani coach Pido Jarencio sa Varsitarian. “Basta kailangan manalo kami sa mga huling laro namin.”
Bunga ng panalong ito, nakamit ng Tigers ang ika-apat na pwesto patungo sa pagtatapos ng elimination round.
Gaya ng dati, muling nagrehistro si Jervy Cruz ng double-double output na 16 puntos at 14 rebounds, kabilang ang apat na assists at dalawang blocks, habang lumikom naman ng 16 puntos Espiritu mula sa kanyang mainit na four-of-six shooting sa three-point area.
Bagamat hindi binigyan ng Tigers ng pagkakataon ang Maroons na lumamang, nanatili pa ring determinado ang huli at naglunsad ng 6-0 run upang makalapit, 66-55, may 3:20 minuto ang nalalabi sa fourth quarter.
Ngunit pumukol ng dalawang magkasunod na tres sina Espiritu at rookie Khasim Mirza para muling bigyan ang UST ng komportableng 72-55 abante palapit sa huling dalawang minuto ng laro.
Mula dito, inako na nina Cruz at Dylan Ababou ang opensiba ng UST habang naipako naman ni Japs Cuan ang isang three-point buzzer-beater mula halfcourt para lubusang isubsob ang UP.
Umabot sa 59-37 ang kalamangan ng UST matapos ibuslo ni Ababou ang kanyang dalawang freethrows bago isara ng UP ang ikatlong yugto sa 61-47 karta gamit ang isang 8-2 run.
Uminit naman ang outside shooting ng Tigers sa ikalawang yugto at ibinuhos ang apat sa kanilang siyam na tres kabilang ang dalawang magkasunod mula kay Espiritu na nagbigay sa Tigers upang palawigin ang distansya sa 40-23, may 2:37 minuto ang nalalabi.
Masakit na pagkatalo
Nabigo namang pigilan ng UST ang pagtakas ng Ateneo mula sa mga kuko ng tigre matapos mabiktima ng last-second shot ni Kirk Long na nagdulot sa kanila ng masakit na 71-72 kabiguan noong Agosto 30.
Hawak ng Tigers ang takbo ng laro sa unang tatlong yugto, kung saan umabot sa 55-45 ang kanilang kalamangan matapos magtarak ng isang three-pointer si Espiritu sa pagtatapos ng ikatlong quarter.
Bunga ng pagsungkit ni Cruz ng kanyang ikaapat na foul sa kalagitnaan ng ika-apat na yugto, unti-unting nakalapit ang Ateneo sa pamamagitan ng mga jumpshot ni Sevirino Baclao bago tuluyang maitabla ni Ford Arao ang laban, 61-61, may limang minuto pa ang natitira.
Nagpalitan ng tira ang dalawang koponan bago muling mabawi ng UST ang kalamangan, 71-70, matapos ang lay-up ni Mirza may 19 segundo na lang ang nalalabi bago tuluyang makopo ng Eagles ang panalo sa bisa ng buzzer-beater ni Long.
Nabalewala ang kamangha-manghang laro ni Cruz na umani ng 22 puntos at 18 rebounds.
Noong Agosto 26, pinaamo ng Tigers ang National University Bulldogs, 84-72, upang maibsan ang 82-99 pagkalugmok sa nangungunang University of the East Red Warriors, 82-99, noong Agosto 19 sa Cuneta Astrodome.
Muling nanguna para sa Tigers si Mirza na bumuslo ng limang three-point shots tungo sa pagkamada ng 19 puntos at pitong rebounds.
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment