MULING tinahak ng Season 69 champion UST Male Tennisters ang landas ng tagumpay matapos iuwi ang korona sa men’s division ng 2007 Milo All-Students Tennis Cup bagamat pumangalawa lamang ang kanilang mga babaeng kapanalig sa sarili nitong kampeonato.
Sa paghaharap ng dalawang koponan ng Male Tennisters sa finals, naisahan ng UST Team-A ang UST Team-B, 2-1, upang makuha ang kampeonato noong Agosto 11 sa Philam Life Tennis Club sa Quezon City.
Pinangunahan ni Maclean Barraquias ang pamamayani ng UST-Team A sa best-of-three finals series matapos igupo si James Cañete, 8-1, sa deciding match.
“Nakatulong sa panalo ang pagiging agresibo ko sa pagsalubong sa bola,” ani Barraquias sa Varsitarian. “Sinikap ko rin na habulin ang lahat ng palo ng kalaban.”
Bago nito, pinalasap nina UAAP MVP Wilbur Orellano at Ryan Repunte ng UST-Team B ang tambalan nina Keane Barraquias at Alexander Diego mula sa Team A ng 6-8 pagkabigo sa doubles upang itabla ang serye sa 1-1.
Nauna nang binigyan ng baguhang si Raymond Villarete ng 1-0 abante ang UST-Team A sa serye makaraang dispatsahin si Keff Gamana sa unang singles match.
Sa semifinals, nilampaso ng dalawang koponan ng UST ang University of the Philippines at University of the East sa bisa ng parehong 2-1 resulta sa bawat laro.
Kinulang sa huling yugto
Nakuha man ng mga lalaking kakampi ang titulo para sa UST, nabigo naman ang mga Lady Tennisters na pangunahan ang women’s division matapos silang ilampaso ng College of Saint Benilde (CSB), 2-0, noong Agosto 11 sa Dapitan Sports Complex.
Yumuko si Tina Santos ng UST sa kanyang singles match kontra kay Alyssa Labay, 5-8, para ibigay ang unang punto sa CSB.
Bagamat pinilit umahon ng UST mula sa 0-1 pagkakalugmok, hindi napigilan nina Lady Tennisters Nikki Manalo at Ara Micayabas ang pagragasa ng matatalim na returns mula kina Bien Zoleta at Tracy Bautista sa doubles upang tuluyang kumuko sa CSB, 5-8 at isuko ang titulo sa CSB.
“Kaya naman sana namin ang kalaban kaso lang nagkakalat,” sabi ni Manalo. Dala na rin ito ng isang linggong walang training dahil sa ulan.”
Tungo sa finals, inungusan ng UST ang Ateneo de Manila University, 2-1, para makuha ang karapatan na harapin ang CSB.
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment