Lady Woodpushers nangunguna

KUNG ANG kasalukuyang rekord ng UST Lady Woodpushers ang pagbabayan, tila wala na yatang makapipigil pa sa tuluyang pamamayapag mga kampeon ng ng Season 69 tungo sa kanilang ikatlong sunod na titulo sa UAAP Chess tournament.

Sa muling pag-ratsada nina National Master Sherily Cua, Ma. Zayrah Dela Cruz, Romelin Guerra at Geneline De Ramos, dinispatsa ng UST ang University of the East, 3-1, noong Agosto 25 upang magtala ng 15.5 pangkalahatang puntos (kalahati ang makukuha ng manlalaro sa kaso ng tie) at makamit ang unang puwesto, habang ang pamatsong De La Salle naman ay di malayong sumusunod na tangan ang 12 puntos.

“Ang katatagan at concentration ng mga manlalaro ang naging susi sa aming pagkapanalo” ani coach Ronald Dableo sa Varsitarian.

Bagamat tumabla lamang sila sa La Salle, 2-2, sa unang pagkakataon noong Agosto 5, bumawi ang Lady Woodpushers sa kanilang sumunod na mga laban kontra National University (NU) noong Agosto 11 at Pamantasang Ateneo Manila noong Agosto 12 kung saan inilampaso nila ang oposisyon.

Masidhing bakbakan naman ang naranasan ng UST laban sa Far Eastern University (FEU) noong Agosto 25 subalit nagawa pa rin nitong naungusan ang mga katunggali tungo sa panalo na 2.5-1.5.

Pinatumba ni Zayrah Dela Cruz si Rulp Jose sa loob ng 29 na galaw upang sungkitin ang panalo sa Board 1.

Ngunit nadaig si Guerra ni Cherrylyn Guiang sa Board 2 na siyang nagtabla sa laban, 1-1.

Gayunman, nanatiling kalmado ang Lady Woodpushers hanggang sa maigupo ni De Ramos si Jenny Rose Palomo sa Board 3, na sinundan ng draw ni Lumacad upang tuluyang sagipin ang UST mula sa balag ng alanganin.

“Nasisiyahan ako sa aming kinalalagyan ngayon,” sabi ni Dableo. “Subalit hindi pa oras para magsaya dahil hindi pa natin masasabi ang pwedeng mangyari sa susunod na mga laban.”

Samantala, hindi naging kasing swerte ng Lady Woodpushers ang kanilang mga lalaking kapanalig matapos patumbahin ng NU, 1-3, noong nakaraang Agosto 4 at FEU, 1-3, noong Agosto 26.

Makaraang tumabla sa UE, 2-2 noong Agosto 5, ibinaon naman ng Male Woodpushers na binubuo nina Vic Villanueva, Gerald Ferriol, Lemuel Bermas at Leonides Usman ang Ateneo de Manila, 3.5-.5 noong nakaraang Agosto 12. May ulat mula kay Ana Mae G. Roa

Tomo LXXIX, Blg. 3 • Setyembre 7, 2007

Post new comment

  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <p> <br>

More information about formatting options

Other Publications

User login

Recent comments

Disclaimer

Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.