MULING sumampa ang UST Lady Jins sa lona ng tagumpay matapos trangkuhan ang una at ikalawang puwesto sa advanced category ng seniors’ division ng ika-29 Petron National Taekwondo Championship noong Agosto 5-6 sa Rizal Memorial Coliseum.
Nagsalpukan sa finals ang dalawa sa tatlong koponang ng four-time UAAP taekwondo champions kung saan nalampasan ng Black Team ang matinding hamon ng Gold Team, 3-2 upang tanghaling kampeon sa torneo.
Tungo sa kampeonato, sumandig ang Black Team kina Most Valuable Player Caryn Pilongo, Sarah Joy Arellano, Grace Magtibay, at mga miyembro ng National team na sina Esther Marie Singson at Camille Manalo at UST alumna Josephine Strachan upang payukuin ang University of the East, 4-1, sa semifinals.
Sa ikalawang laban sa semifinals, itinaguyod nina Czarina Cabuco, Xandra Fajardo, Kathleen Valenzuela, Ma. Reinee Arca, Kathleen Valenzuela Katherine Bunyi at alumna Daleen Cordero ang kampanya ng Gold Team sa pagkabig ng 3-2 panalo kontra sa Rizal Technological University.
Alinsunod sa knock-out system phase, ang koponang maipapanalo ang lahat ng kanilang mga laban buhat sa magkakaibang bracket ang siyang magtutunggali sa finals.
Tinalo ng Black Team ang University of the Philippines-B at Far Eastern University sa preliminary round samantalang iginupo ng Gold Team, na umani ng bye sa kanilang unang laban, ang UP-A. Sa bisa ng nasabing bye, kaagad na makakausad sa ikalawang bahagi ng preliminary round ang koponang mapagkakalooban nito nang hindi na kinakailangan pang makipaglaban.
Maaga namang namaalam sa kompetisyon ang White Team na binubuo nina Camille Valencia, Jan Rose Pacquing, Angelica Marasigan, Aphrodite Brillantes, Jade Safra, Maximillan Rosada at Joanne Saldaña matapos mabigo sa Far Eastern University-B, 2-3.
“Ginamit naming inspirasyon ang maagang pagkatalo ng men’s team sa huling araw ng kompetisyon,” wika ni coach Dindo Simpao, na hinirang ring Best coach sa Juniors at Seniors division, sa Varsitarian. “Buo ang paniniwala ko noong mga oras na iyon na kami-kami rin ang magkikita sa finals.”
Nagsilbing pambawi ng UST ang panalo ng mga kababaihan isang araw matapos madurog ang Black, Gold, at White Teams ng Tiger Jins laban sa Delta Gold Taekwondo Club, Philippine Christian University, at Far Eastern University-B ayon sa pagkakasunod-sunod ng kanilang preliminary round matches.
Sa kabilang dako, sinegundahan ng mga manlalaro mula sa UST High School ang pamamayani ng Lady Jins nang kanilang pasadsarin ang Ateneo de Manila University upang makopo ang titulo sa Juniors division kung saan tinanghal na Most Valuable Player si Mark Labarrentos. Nakuntento naman sa ikatlong puwesto ang mga Tomasinong manlalaro sa mid-juniors division matapos maungusan ng Colegio de San Juan De Letran sa semifinals, 1-4. kasama si Marc Laurenze C. Celis
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment