Golden Booters, dehado sa Ang Liga

TILA walang tiyak na magandang kapalaran ang UST Golden Booters sa pagpapatuloy ng ika-apat na edisyon ng Ang Liga Football Cup.

Isang araw matapos iukit ng Golden Booters ang kanilang ikalawang panalo sa torneo laban sa koponang Mendiola, muling naudlot ang kanilang pag-angat sa team standings makaraang padapain ng UAAP Season 68 champion Ateneo de Manila University (Ateneo) Blue Guards, 3-1, noong Hulyo 29 sa UST Football Field.

Tangan ang 2-3-1 win-loss-draw card, hangad ng Golden Booters na maipanalo ang kanilang nalalabing apat na laro sa first round bilang paghahanda sa pagpasok sa ikalawang bahagi ng torneo.

“Kailangan ng matinding konsentrasyon ng mga bata sa mga susunod na laro para makuha namin ang panalo,” ani coach Marjo Allado, na maagang iniupo ang kanyang mga pangunahing manlalaro sa laro kontra sa Ateneo bilang paghahanda sa kanilang pakikipag-tuos sa Philippine Christian University.

Dahil dito, maagang dumausdos ang mga bata ni Allado matapos maibuslo ng striker na si Sanshinta Anzo, isang Hapon, ang unang goal para sa Ateneo sa ikaanim na minuto.

Bagaman madaling naitabla ng UST ang laban, 1-1, sa tulong ng isang counter-goal mula kay midfielder Adrian Guillermo sa ika-23 minuto ng first half, nanatiling matibay ang depensa ng Ateneo sa center field na siyang sumikil sa pagnanasa ng Golden Booters na masungkit ang kalamangan.

Kasabay ng pagbuhos ng ulan, muling nagtangka ang Golden Booters na basagin ang depensa ng Blue Guards gamit ang isang 3-4-3 offensive set kung saan nakasalalay ang atake sa tatlong strikers.

Ngunit naging masyadong maliksi ang Ateneo goalkeeper na si Greg Madrona na humarang sa 11 attempts ng UST.

Lalong lumabo ang pag-asa ng Golden Booters sa mga sumunod na tagpo nang muling maka-puntos si Anzo sa ika-73 minuto upang kunin ang 2-1 bentahe para sa Ateneo.

Makalipas ang ilang sandali, sinegundahan naman ng kapwa-Hapon ni Anzo na si Yu Moriyama ang pamamayani ng Ateneo matapos niyang ibuslo ang huling goal ng laro sa ika-90 minuto.

Muling pagbangon

Nilusutan naman ng Golden Booters ang malabnaw na depensa ng koponang Mendiola, 3-0, sa naunang laro nito noong Hulyo 28 sa UST field.

Pumuntos kaagad ang bagitong si Paul Madrona mula sa kaliwa ng goal ng Mendiola sa loob ng unang tatlong minuto ng laro.

Bagaman pinatindi ng Mendiola ang kanilang depensa sa second-half, hindi nila napalakas ang opensa dahil sinupalpal ni UST goalkeeper Johnson Lee ang karamihan ng mga attempt nila sa goal.

Muling umiskor ang UST sa ika-80 minuto mula sa isang follow-through ni Adrian Guillermo samantalang naibuslo naman ni Joubert Bernarte ang huling puntos ng UST sa loob ng huling minuto.

Maagang pagpalya

Nagmistulang giyera ang 0-1 pagkatalo ng Golden Booters sa kamay ng Philippine Army Selection noong Hulyo 15 sa isang paghaharap na kinakitaan ng matinding banggaan at sukatan ng pasensya.

Nagsumikap ang Golden Booters na mabawasan ang kanilang mga malalayong attempts upang panatilihing dikit ang laban. Gayunpaman, sinamantala ng Army Selection ang mabagal na pagbaba ng UST sa depensa upang itala ang nag-iisang goal sa laro buhat kay Corporal Luisito Brillantes sa ika-28 minuto.

Nagawang ipako ng Golden Booters sa anim na attempts ang Army sa buong second half, subalit sa pagpupumilit ng dalawang kampo na matalo ang isa’t-isa sa pag-aagawan sa bola, naging masalimuot ang pagtatapos ng laban.

Parehong nabigyan ng red card sina Army team captain Philip Caballero at Golden Booter Lordjay Legpitan matapos mag-batukan ng isa’t-isa sa kaliwang panig ng penalty area sa ika-75 minuto.

Nagkaroon ng pagkakataong makatabla ang Golden Booters sa mga natitirang sandali ng laban subalit nagmintis sa kanyang direct free kick si team captain Thomas Liao mula sa left wing na nagselyo sa ikalawang kabiguan ng UST.

Samantala, nalasap ng Golden Booters ang kanilang unang pagkatalo laban sa National Collegiate Athletic Association champion San Beda College, 0-1 noong Hulyo 9. Anthony Andrew G. Divinagracia at Raymond Jude M. Dumaual

Tomo LXXVIII, Blg. 3 • Agosto 18, 2006

Post new comment

  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <p> <br>

More information about formatting options

User login

Recent comments

Disclaimer

Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.