Cubs, kulang sa bangis

TAGLAY ang matinding determinasyon at tiwala sa isa’t-isa, buo ang pag-asa ni coach Allan Ascue na kakayanin ng UST Tiger Cubs na umangat mula sa ikalimang puwesto tangan ang 2-4 win-loss kartada sa UAAP Juniors Basketball tournament.

Bagaman natalo ng Ateneo de Manila University Blue Eaglets, 85-95, noong Agosto 5 sa Ninoy Aquino Stadium, nagpamalas ng tatag ng loob ang Tiger Cubs sa huling tatlong minuto ng ikaapat na yugto para pababain ang 24-puntos na pagkakahuli nito gamit ang isang 17-6 atake.

“Naubusan lang kami ng oras na maidikit ang laban. Pero natutuwa ako dahil hindi kami basta na lang sumuko,” ani Ascue. “Unti-unti nang nagbubunga ‘yong pinaghirapan naming pagsasanay noong bakasyon. Kaunting adjustment na lang at siguradong may pag-asa kaming makapasok sa Final Four,” dagdag pa niya.

Kumabig ng game-high 29 puntos si Carl Laconico, kung saan 20 dito ang nagmula sa second half.

Bagaman hindi nakapuntos sa unang yugto, pinangunahan ni Laconico ang isang 15-8 atake, katulong sina Julius Reyes at Owen Cunanan para tapyasin ang abante ng Ateneo, 39-49 sa pagtatapos ng ikalawang quarter.

Upang apulahin ang pag-iinit ng Tiger Cubs, naglatag ng isang 17-6 kontra-atake sina Eaglets Alec Rivera at Tonio Gonzaga sa pagsisimula ng ikatlong yugto na muling nagpamaga sa kalamangan ng Ateneo, 51-75.

Inalalayan ni Reyes si Laconico gamit ang 17 puntos at 17 rebounds. Nag-ambag naman ng tig-15 puntos sina Mark Buendía at Jonathan Sarsonas.

Impresibong tagumpay

Sa kanilang ikalawang laro, ipinoste ng Tiger Cubs ang kanilang ikalawang panalo makaraang busalan ng sunud-sunod na three-point shots ang National University (NU) Bullpups tungo sa 108-71 pamamayani noong Hulyo 29 sa Ninoy Aquino Stadium.

Bunga nito, pinatid ng Tiger Cubs ang pisi ng kanilang dalawang sunod na pagkatalo laban sa Far Easten Univeristy at University of the Philippines upang sundan ang kanilang 70-61 pananaig kontra sa University of the East (UE) Pages, 70-61, sa kanilang ikalawang laban noong Hulyo 11 sa FEU Gym.

Naghalinhinan sa pagpukol sa three-point area sina Jonathan Sarsonas at Carl Laconico upang maagang kaladkarin ang NU, 30-19, sa unang yugto upang idikta ang takbo ng laro.

Sa pagsapit ng ikatlong yugto, ipinaubaya ni UST coach Allan Ascue sa kanyang mga bench players ang opensiba ng Tiger Cubs gamit ang magagandang assists, fastbreak plays, at mahigpit na depensa sa backcourt upang itarak ang kanilang pinakamalaking kalamangan sa laban, 84-60.

Nangalap ng 20 puntos si Laconico, kabilang ang tatlong tres at walong rebounds para sa Tiger Cubs.

Suliranin sa ilalim

Kawalan ng sapat na puwersang magtataguyod sa opensiba at depensa ng UST sa shaded lane ang mabigat na problemang nagdulot sa Tiger Cubs ng kanilang unang tatlong pagkatalo sa torneo.

Sumadsad sa ikalawang sunod na kabiguan ang Tiger Cubs laban sa FEU Fern, 80-106, noong Hulyo 22 sa kanilang ika-apat na laro.

Pinangunahan ni Reyes ang Tiger Cubs na may 19 puntos habang nagdagdag naman si Owen Cunanan ng 18 at siyam na rebounds.

Marupok na pagmamando naman sa ilalim ang nagdulot sa Tiger Cubs ng 76-78 kabiguan sa kamay ng UP Preps sa kanilang ikalawang laro noong Hulyo 15 sa Ninoy Aquino Stadium.

Bagaman nagawang lumapit ng UST, 76-77, sa huling 12.4 segundo ng laro, nasayang ang pagkakataon ng Tiger Cubs na masilo ang panalo matapos sumablay ang short jumper ni Gorby Aquino kasabay ng pagtunog ng buzzer.

Nagtala si Sarsonas ng 17 puntos upang pamunuan ang Tiger Cubs na una nang pinadapa ng Adamson University Baby Falcons, 55-59 sa kanilang unang laro noong Hulyo 9.

Tomo LXXVIII, Blg. 3 • Agosto 18, 2006

Post new comment

  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <p> <br>

More information about formatting options

User login

Recent comments

Disclaimer

Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.