UMANI ng isang silver at dalawang bronze ang mga bagitong UST Tiger Shuttlecockers sa nakaraang 2006 JVC Badminton Open (elite division) noong Hulyo 8 sa Glorietta Activity Center sa Makati.
Nakuha nina Tigers Kevin Dalisay at Emmanuel Garcia ang silver medal sa men’s doubles division matapos matalo laban kina Antonio Gati at Jobet Co ng Ateneo de Manila University, 15-21, 17-21.
“Malakas talaga ang Ateneo dahil nag-ensayo pa sila sa Korea,” sabi ni Garcia sa Varsitarian. “Gayunpaman, masaya pa rin kami dahil nakakuha kami ng medalya.”
Sa semifinals ng parehong division, nilampaso nina Garcia at Dalisay ang magkapatid na Jerome at Jonas Serrano ng Far Eastern University, 21-6, 21-9.
“Naging maganda ang rotation namin ni Dalisay sa loob ng court,” ani Garcia.
Samantala, naunsyami ang kampanya ng UST sa kampeonato ng mixed doubles division nang yumuko sina Rochanie Decatoria at Ezekiel Morales laban sa Kidapawan Team ng Davao na kinabibilangan ni Ronald at Ginelli Daymiel, 8-21,6-21. Nakuha ng UST ang bronze sa division na ito.
“Hindi kami masyadong kundisyon dahil na rin sa kakulangan ng warm-up,” ani Morales.
Naging dikit naman ang laban ng UST Shuttler na si Decatoria at Rina Batuigas ng Iloilo Bayan Badminton Club sa women’s singles division semifinals, 17-21, 17-21. Nagtabla ang scores sa 15 sa ikalawang bahagi ng kanilang laban ngunit hindi na nakabangon si Decatoria nang magkamit siya ng service error. Si Francesca Bermejo ng Assumption College ang nakakuha ng gold at si Batuigas naman ang nagkamit ng silver. Bronze naman ang nakuha ni Decatoria.
Bagaman hindi nakuha ng UST ang titulo sa ikalawang taon nitong pagsali sa patimpalak, kuntento na rin si head coach Noli Cajefe sa pagkapanalo ng kanyang mga manlalaro sa elite division.
“Masaya ako dahil mga baguhan man sila, kinaya pa rin nilang makaabot sa finals,” ani Cajefe. “Malaking bagay na rin iyon.”
Sa kasalukuyan, pinaghahandaan na ng Tiger Shuttlecockers ang JVC Badminton Open Collegiate Division na gaganapin sa Nobyembre.
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment