MATAGUMPAY na nasungkit ng UST Tiger Jins-Black and kampeonato matapos pataubin ang De La Salle University Delta-A, 3-2, sa ika-33 na National Taekwondo Championship Men’s Senior Advance noong ika-1 ng Agosto sa Ninoy Aquino Stadium.
Sa huling yugto ng kompetisyon, agad na nagpakitang-gilas si Tiger Jin Nicole Mapilisan nang pabagsakin niya si RJay Del Rosario ng De La Salle gamit ang mabilis na roundhouse kick, tangan ang 7-2 na iskor.
Madali namang nakabawi ang Delta-A nang paulanan ng sipa ni John Paul Lizardo ang kapuwa RP National team member na si Paul Romero, 17-4, upang maitabla ang laban sa unang pagkakataon, 1-1.
Umabante ang UST sa ikatlong round nang magbitiw ng isang malakas na turning long kick si Christian Al dela Cruz upang pataubin si Rei Vincent Sambo, 7-9.
Humantong ang mainit na labanan sa ikalawang deadlock, 2-2, nang makuha ni Dennis Rosaba ng Delta A ang panalo mula kay Tiger Jin Butch Morrison.
Tinuldukan ni Season 72 Athlete of the Year Marlon Avenido ang pagtutuos nang ipamalas niya ang kaniyang bangis kay Gerry del Rosario, 11-3, upang tuluyang maibulsa ng UST ang korona.
Naluklok naman sa ikaapat na puwesto ang UST Tiger Jins-Gold matapos mapagpasiyahang hindi na muna sila sasabak sa susunod na round dahil sa mga injuries na natamo nila sa maghapong paglalaro.
Nabigo ring madepensahan ng UST Lady Jins-Black ang kanilang titulo matapos matalo sa De La Salle Delta- A sa Women’s Senior-Advance division at makuha ang ikalawang puwesto.
Bukod-tanging si Lady Jin Jade Zafra lamang ang nagkamit ng panalo para sa UST gamit ang kaniyang umaapoy na side kick sa ulo ni April Tindoc matapos pataubin ito sa iskor na 5-2.
Bagaman mga baguhan ang bumubuo sa koponan ng UST Lady Jins-Gold , ipinamalas nila ang kanilang natatanging galing at nagtamo ng ikaapat na parangal.
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
zambo
Post new comment