MULING ipinamalas ng UST Tigresses ang kanilang bangis nang mabihag nila sa pangalawang pagkakataon ang University of the East (UE) Amazons, 96-69, noong Agosto 19 sa Far Eastern University Gymnasium. Dahil sa panalo, nasa ikaapat na puwesto ang koponan tangan ang 5-4 win-loss record.
Agad na rumatsada ang mga Tigresses nang magpasiklab ng 12-2 run sina Lore Rivera, Ann Leonardo, Katrina Fermin at Rina Laud sa kalagitnaan ng unang yugto at iniwang nakapako ang UE sa dalawang puntos, 16-2.
Sinubukang pigilan nina Amazons Dianne Ventura at Nerissa Cabrera ang paglobo ng lamang ng UST subalit patuloy ang pagkaripas ng mga Tigresses hanggang sa matapos ang unang kanto, 23-10. Unti-unting nanghina ang opensa ng mga Amazons dulot ng ilang ulit na pag-agaw ng bola ng UST na nagtatak ng 50-25 karta sa first half.
Sinubukang bumawi ni Cabrera sa mga unang minuto ng second half ngunit kinapos ang kaniyang pagsisikap nang patuloy na magpaulan ang Tigresses ng jumpers, 59-31.
Hindi naman nagpaawat sina Kristine Siapoc at Laud nang ipasok nila ang huling apat na puntos ng UST sa mga natitirang segundo ng laban.
“Maganda ang ipinakita ng Tigresses sa laro, nakita ko ang teamwork sa grupo at lahat sila ay gumalaw para ipanalo ang laban,” ani coach Juli Amos. Nagtala ng 19 puntos si Ventura upang pangunahan ang UE samantalang umariba naman ng tig-16 na puntos sina Leonardo at Laud ng UST.
Muling pagyuko
Sa kanilang ikalawang paghaharap, muli namang yumuko ang Tigresses sa lakas ng Far Eastern University Lady Tamaraws, 52-65, noong Agosto 16 upang tanggapin ang kanilang ikalawang sunod na pagkatalo sa ikalawang yugto ng torneo.
Dikit ang naging pagtutuos ng dalawang koponan hanggang sa matapos ang first half pabor sa FEU, 30-32.
Tinuldukan ng Lady Tamaraws ang sunud-sunod na jumpers nina Tigresses Leonardo at Mary Joy Galicia noong third quarter gamit ang pinagsanib na lakas nina Lady Tams Carla Tiu, Marilourd Borja at Raiza Palmera upang umabante ang FEU ng pitong puntos sa pagtatapos ng ikatlong yugto, 43-50.Patuloy na idinikta ng FEU ang tempo ng laro sa huling kanto at hindi na nagawang mailapit pa ng Tigresses ang tala, 52-65.
Noong Agosto 7, pinataob din ng Adamson Lady Falcons ang Tigresses, 66-80, sa bias ng mainit na pagbulusok sa opensa sa third quarter.
Nagpakitang-gilas naman ang UST Tigresses matapos nilang lamunin ang Ateneo de Manila University Lady Eagles, 66-62, noong Agosto 5 sa pamamayagpag nina Leonardo, Laud at Fermin.
Tila isang regalo naman ang inihandog ng Tigresses kay coach Amos, na nagdiwang ng kaniyang kaarawan sa parehong araw na tinakasan ng kaniyang koponan ang De La Salle Lady Archers, 68-66, noong Agosto 2.
Sa unang duwelong naganap sa pagitan ng UST at UE Amazons, pinakita ng Tigresses ang kanilang husay laban sa Amazons, 73-61, noong Hulyo 29 kung saan nagtala ng double-double performance si Galicia at tinanghal na highest pointer ng laro si Leonardo.
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment