GINTO na, naging bato pa.
Nagkatotoo ang prediksyon ni coach Pido Jarencio na hindi uubra ang UST Tigers sa ibang koponan kung patuloy silang bibitiw sa mga kritikal na yugto ng laro.
Ito nga ang naging masaklap na kapalaran ng Tigers matapos silang patumbahin ng Ateneo de Manila University Blue Eagles, 70-80, noong ika-23 ng Agosto sa Araneta Coliseum. Ang pagkatalo ay nagpako sa UST sa ikaapat na puwesto sa round two ng UAAP Season 72 Men’s Basketball, tangan ang 5-5 na kartada.
Ito ay nagbukas din ng pintuan para sa mga koponan sa ilalim ng team standings na makakuha ng lugar sa Final Four. Kontrolado ng Tigers ang halos kabuuan ng laro bago magpasabog ang Eagles ng 16-6 run sa huling yugto.
Tuluyan nang gumuho ang pag-asa ng UST na makaahon pa nang ibuslo ni Kirk Long ang isang three-pointer na nagbaon sa Tigers, 66-74, nang may isang minuto na lamang ang nalalabi sa laro.
Binuwag ng Tigers ang mahigpit na depensa ng Eagles sa unang tatlong quarter ngunit tinuldukan ni Rabeh Al-Hussaini ang maliligayang araw ng UST matapos nitong pakawalan ang isang three-point shot noong ika-apat na kanto upang makaangat, 62-63, sa huling anim na minuto ng kanto.
Nag-ambag ng apat na magkasunod na tira ang top MVP contender na si Dylan Ababou at bagitong si Jeric Teng upang magwakas ang laban sa 80-70.
Kahit na naipantay ni Long ang iskor sa 48-all ng may 5:28 minuto nalalabi sa oras, nagawa pa ring mairaos ng Tigers ang pangatlong kanto na angat ng dalawang puntos, 60-58, sa tulong nina Khasim Mirza, Ababou, at Allein Maliksi. Kumopo ng career-high 21 puntos si Long na siyang umako ng responsibilidad habang nakabangko si main man Al-Hussaini dahil sa foul trouble.
Namayagpag naman si Ababou tangan ang 19 puntos samantalang nagtala naman si Mirza ng double-double figures na 18 puntos at 12 rebounds.
Urong-sulong na karera Sa nakaraang laro, kumapit ang mga Tigers sa naipundar nilang kalamangan upang hindi sila tuluyang mahabol ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 93-88, at masungkit ang una nilang panalo sa ikalawang yugto ng bakbakan noong ika-20 ng Agosto.
Umabot sa 31 puntos ang abante ng UST sa ikatlong kanto nang maibuslo ni Chris Camus ang isang freethrow, subalit pinasan nina Alvin Padilla at Mark Lopez ang kargada upang unti-unting tapyasin ang lamang ng Tigers sa 15 puntos.
Sinamantala rin ng Maroons ang mga foul calls na naging tinik sa dibdib ng mga Tigers noong pangatlong kanto kaya nahigitan nila ito ng 10 puntos sa quarter scoring at tinapos ang yugto sa 76-58.
“Hindi malalim ang aming bench,” ani Ababou. “Kaya kapag hindi ako naglalaro, o si Chris (Camus), o kung sino mang beterano, nakakahabol ang kalaban.”
Naging kaanib ng Tigers ang oras at suwerte dahil hindi naipasok ni Woody Co ang dalawa sa tatlong freethrows niya sa loob ng 1.8 segundo.
Lumikom ng 23 puntos at anim na rebounds si Ababou samantalang bumato naman ng 17 puntos si Clark Bautista. Topscorer si Co na pumukol ng 24. Bagaman naging dominante ang Tigers sa kabuuan ng laro, nadismaya pa rin sa Jarencio sa mga errors at turnovers ng kaniyang koponan.
Samantala, hindi pa rin makalusot ang Tigers sa bangis ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 67-75, sa ikalawang pagtutuos nila sa torneo noong Agosto 15.
“Pataas ang level of intensity ng mga bata. Ipinakita nila sa labang ito na kaya nating makipagsabayan at makadikit sa mga mas malalakas na koponan gaya ng FEU,” ani Jarencio.
Salungat sa kanilang unang paghaharap, idinikta agad ng Tigers ang ritmo ng laro hanggang sa simula ng ikalawang kanto nang ibuslo ni Teng ang isang three-pointer na nagbigay ng 10 puntos na kalamangan sa UST.
Ngunit ito na pala ang huling tikim nila sa double-digit lead dahil nagpasabog ng 22 bomba ang Tamaraws sa pangunguna ni Andy Barroca upang mabawi ang kalamangan sa UST sa pagtatapos ng first half, 31-35.
Matapos mablangko sa second quarter, gumana ang opensa ni Ababou sa sumunod na kanto at nagpakawala ng 11 puntos upang makalapit ang UST, 56-51.
Bumawi si Ababou mula sa kalugmok-lugmok na 10-point production sa kanilang unang paghaharap laban sa Tamaraws matapos magtala ng 23 puntos, walong rebounds at dalawang assists.
Nangunguna rin siya sa pinagpipitaganang UAAP MVP race na may sumatotal na 66.86 overall statistical points (SPs).
Pumapangatlo naman ang hardcourt partner niyang si Mirza na may 64.14 SPs.
Nagpakawala si Bautista ng tres na umakit ng foul mula kay Paul Sanga upang matapyas ang kalamangan ng FEU sa apat, 60-64, ng may 5:01 na nalalabi sa laro.
Bagaman hindi nakumpleto ni Bautista ang four-point play, naibuslo ni Camus ang follow-up basket na naglapit sa iskor, 62-64.
Ngunit nagpasiklab ng 7-0 run ang FEU sumagot ng trey at charity shots ni Ababou ang may 50 segundo na lamang ang nalalabi, 67-71.
Unti-unti nang lumabo ang tsansang manalo ang Tigers nang matawagan ng goal-tending violation si Ababou, nang subukan niyang tapalin ang tira ni Barroca, 67-73.
Sinelyuhan ng split free throws nina Ryan Garcia at Aldrech Ramos ang laro para sa FEU, 67-75.
Samantala, namayani na naman ang Ababou-Mirza-Teng triumvirate na nag-alis sa UST sa pagkakalugmok ng UST upang matakasan ang tirada ng UP, 95-85, at makabawi mula sa kanilang dalawang magkasunod na kabiguan noong Agosto 8.
Nakatanggap ng matinding galos sa kumpyansa ang Tigers pagkatapos buwagin ng FEU, 63-90, noong Agosto 6. Dumagdag ito sa sakit na dinanas ng UST, pagkatapos palusutin ang De La Salle University sa isang “double-overtime thriller” na nagtapos sa 92-101 para sa Archers, noong Agosto 2.
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment