GAMIT ang kanilang mga nag-aapuyang na sipa, pinatumba ng UST Lady Jins-Tigers ang De La Salle Delta-Green upang makamit ang kampeonato sa ika-32 National Taekwondo Championship Women’s Senior-Advance division noong Agosto 2 sa Rizal Memorial Coliseum.
Sa huling pagtutuos, unang pinabagsak ni Zyra Tindor ng De La Salle Delta-Green si UST Lady Jin Caryn Pilongo ngunit tinabla ng kakamping si Lady Jin Aphrodite Brillantes ang laban, 1-1, nang paulanan niya ng matitinding sipa si Jyra Lizardo.
Tuluyan ng umabante ang De La Salle Delta-Green nang talunin ni Eunice Alona si Lady Jin Jade Zafra subalit pinaghiganti naman siya ni Lady Jin Emron Mae Golding nang paluhurin niya si Criselda Roxas ng De La Salle Delta-Green gamit ang pulidong sipa sa ulo, upang idala sa isang deadlock, 2-2.
Subalit hindi hinayaan ni Lady Jin Izel Masungsong na madulas mula sa kamay ng UST ang tagumpay nang pabagsakin niya sa ika-limang laban (3-2) si Criselda Roxas, upang ibigay ang kampeonato sa mga Lady Jins.
Naunang tinalo ng UST Lady Jins-Tigers ang Colegio de San Juan de Letran, Far Eastern University at University of the Philippines para makaharap ang Delta-Green.
Lumapag naman sa ikatlong puwesto ang UST Lady Jins-Gold na binubuo nina Monica Reyeg, Rhea Denna, Germaine Mapilisan, Kricia Jereza at Beasia Morrison.
Sa kabilang banda, nabigong makamit ng UST Tiger Jins-Gold ang kampeonato sa Men’s Senior-Advance division matapos silang dispatsahin ng De La Salle Delta-Green.
Kinapos ang mga sipa nina Billy Coral, John Paul Garcia, Mark Bautista, Ronald Golding, Jr. at Jose Soriano ng UST na naging daan upang masungkit nina RJay Del Rosario, Dennis Resaba, Rei Sanbo at Manuel Rivero ang titulo.
Nakamit naman nina Nicole Mapilisan, Paul Romero, Dane Pio de Roda, Ernest Mendoza at Samuel Morrison ng UST Tiger Jins-Tigers ang ikatlong puwesto.
“Kahit na may mga oportunidad na nawala at mga dapat gawin na di nila naisagawa, masaya pa din ako sa ipinakitang galing ng mga atleta,” sabi ni coach Dindo Simpao.
Bagaman maganda ang ipinakitang laban ng De La Salle Delta-Green, buo ang loob ni Simpao na kaya itong tapatan ng kaniyang koponan pagdating ng Season 72 taekwondo wars.
“Pinaghalong line-up ng De la Salle University at De La Salle-College of Saint Benilde ang naglaro bilang De La Salle Delta, kaya masasabi mong kaya hindi ito ang tunay na lakas na ipapakita ng De La Salle sa UAAP,” ani Simpao.
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment