IBINAON ng UST Male Shuttlers ang De La Salle University sa iskor na 3-2 sa pagpapatuloy ng UAAP badminton competition sa Rizal Memorial Badminton Hall noon Agosto 23.
Hindi na nakapalag ang La Salle players nang paluhuhin sila ng sa unang tatlong laro. Nagawang bumawi ng La Salle sa sumunod na dalawang laro, ngunit huli na ang lahat.
“Naglaro silang mabuti at ang mga inaasahan kong mangyari ay nangyari at kung magpapatuloy pa ito, sigurado na tayo hanggang finals” ani coach Noli Cajefe.
Hindi naging madali ang unang laban sa pagitan nina Male Shuttler Paolo Dawal at Tim Ang ng De La Salle, 27-25, 21-14, ngunit namayagpag pa din si Dawal nang tapusin niya ang bawat set sa pamamagitan ng drop shots.
Naungusan naman ni RJ Ormilla ng UST si Mike Paclibar ng De La Salle, 21-13, 21-19, nang indahin ni Paclibar ang ilang unforced errors.
Inangkin ng UST ang panalo sa ika-tatlong laban nang magpasiklab ng matitinding palo ang tambalang Salvador Kapunan at Ormilla laban sa pares nina Ivan Angsico at Kevin Ponciao ng De La Salle, 21-15, 21-14.
Mula sa sunod-sunod na pagkatalo, bumawi naman ang Bryan Chan-Palibar tandem ng De La Salle pagkatapos nilang pataubin sina Derrick Chan at Francisco Magnaye, 13-21, 19-21.
Nagwagi rin sa huling laban si Rodel Dawal ng De La Salle kontra kay Kapunan, 21-23, 14-21. Dahil sa panalo, nagtamo ang UST ng 2-1 win-loss kartada.
Sa mga naunang engkwentro ng Male Shuttlers, bumagsak sila sa mga kamay ng University of the Philippines (UP), 2-3, noong Agosto 16. Muntikang masungkit ni Dawal mula kay Kelvin Panganiban ng UP ang ikalawang laban, ngunit naipasok ni Panganiban ang kaniyang huling tira na nagtapos sa laban, 22-24.
Naging maganda naman ang unang laban ng Male Shuttlers sa pagbubukas ng Season 72 nang walang awa nilang durugin ang Adamson University, 5-0. Pinangunahan ng beteranong si Dawal ang laban sa iskor na 21-4, 21-8.
Magkaibang sitwasyon
Iba naman ang naging ihip ng hangin sa kabilang banda, nang nabigo naman ang UST Lady Shuttlers na makasungkit ng panalo mula sa De La Salle, 2-3, noong Agosto 23.
Dahil dito, nahulog ang koponan sa 1-2 kartada. Walang kahirap-hirap na tinapos ni Descka Calimlim ang dwelo nila ni Lady Shuttler Jemellee Vicencio, 17-21, 13-21, ngunit tinabla ni Camille Yang ng UST ang laban nang paulanan niya ng smashes si Danica Bolos ng De La Salle, 21-19, 21-16. Gaya ng inaasahan, tumirada sina Rochanie Decatoria at Chona Medina ng mabibilis na tirang nabigong maibalik ng duo nina Rachel Guerrero at Bernice Arsenio ng De La Salle, 21-19, 26-24.
Ngunit nabaligtad ang pangyayari nang ilang ulit na nagkamali sina Lady Shuttlers Klara Undan at Camille Yang laban kina Calimlim at Bolos, 10-21, 13-21.
Sa huling pagtutuos, ginamit ni Geli Ramos ang kapaguran ni Decatoria upang dalhin ang De La Salle sa isang matamis na tagumpay, 16-21, 19-21. Samantala, umuwing bigo na naman ang Lady Shuttlers matapos ang kanilang pagtutuos ng University of the East, 1-4, noong Agosto 16.
Tanging si Decatoria ang nakapagbigay ng panalo para sa koponan. Gaya ng kanilang male counterparts, nag-apoy din ang Lady Shuttlers sa Season 72 curtain-raiser pagkatapos ibaon ang UP, 4-1.
Tila si Bianca Legaspi ng UP lamang ang naghiganti para sa UP nang talunin si Medina sa huling laban ng tunggalian.
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment