Konsiyerto, idinaos para sa mga atletang Tomasino

DUGO at pawis ang puhunan ng ating mga Tomasinong atleta upang bigyang parangal ang Unibersidad, ngunit minsan hindi sapat ang sinasabing “fighting spirit” upang makamit ang inaasam na tagumpay.

Noong Hulyo 30, inilunsad ng Liga Tomasino at Tiger Pack ang isang concert at fashion show na pinamagatang “Rakrakan at Rampahan” sa Makuhari bar sa Malate.  Mga kapwa Tomasino rin ang tumugtog at rumampa, upang makalikom ng pondo para sa mga manlalaro ng UST.

Ayon kay Clarence Aytona, team manager ng UST Growling Tigers, mapupunta ang benta ng tiket sa sa mga manlalaro ng iba’t ibang koponan sa UST tulad ng basketball, volleyball at softball upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan sa pagkain at edukasyon.

“Hindi lang naman isang pagdiriwang ito para sa mga tanyag na manlalaro ng UST kung hindi para mabigyan din namin sila ng suporta sa kanilang mga pangangailangan,” ani Aytona.

Binubuo ang Liga Tomasino ng mga dating mag-aaral ng UST na naglalayong tulungan ang mga manlalaro.

Ayon kay Michaela del Callar, pangulo ng pangkat, nagsimula ang lahat sa mga maliliit na pagpupulong tuwing may laro ang UST.

Dahil dito, naisipan nilang bumuo ng isang organisasyon nang minsang makipagkita ang kaniyang grupo kay coach Pido Jarencio. “Nalaman namin na kulang pala sa suporta hindi lang ang manlalaro sa basketbol pati na rin ang mga manlalaro sa ibang larangan ng palakasan sa UST,” aniya.

Nabuo ang grupo noong ika-pito ng Enero ng taong ito. Bago pa man sila opisyal na nakilala, nakapagsagawa na ng mga proyekto ang Liga Tomasino para sa mga manlalaro, tulad ng fund-raising party noong Disyembre 2007, kung saan nakalikom sila ng P20,000 para sa UST Tigers, isang thanksgiving dinner para sa Men’s Basketball team noong Oktubre 2008 sa Dioreza Plaza sa Dapitan at isang fund-raising dinner na naganap sa Filipinas Heritage Library na pinamagatang “The Black and Gold Affair” kung saan nakalikom sila ng P26,000.

Inaanyayahan din ng mga kasapi ng Liga Tomasino ang mga mag-aaral at mga guro ng paaralan na suportahan ang mga atletang Tomasino.

“Hindi lang kami ang dapat na nagsagawa ng ganitong mga plano para matulungan ang ating mga manlalaro,” ani del Callar. “Iniimbitahan din ang mga kapwa naming Tomasino na magbigay suporta upang kahit papaano ay mapasan ang kaunting bigat na dinadala nila bilang Tomasinong manlalaro.”

Post new comment

  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <p> <br>

More information about formatting options

User login

Recent comments

Disclaimer

Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.