MATAPOS mabigong iuwi ang korona ng dalawang beses, paano pa kaya mapapatunayan ng Salinngawi Dance Troupe na karapatdapat itong tanghaling hari ng dancefloor sa nalalapit na UAAP Season 72 Cheerdance Competition?
Inamin ng pangulo ng Salinggawi na si Sky Bautista na nagkulang ang pangkat sa teknikal na aspekto noong nakaraang taon, kaya’t pumangalawa lamang ito sa University of the Philippines (UP) Pep Squad.
Aminado siyang mas maganda ang konsepto at tema ng
pagtatanghal ng UP.
“Sa criteria noong nakaraang taon, mas binigyang diin ang teknikal na aspeto kaysa dance set. At nasa dance ang kalakasan ng Salinggawi,” sabi ni Bautista. “Kaya ngayon, pinag-iigihan namin ang aming mga kahinaan.”
Puspusan na ang paghahanda ng Salinggawi upang mabawi ang korona mula sa kanilang mortal na katunggali. Buong taong subsob sa pagsasanay ang mga kasapi ng nine-time UAAP Cheerdance Champion, lalo na ngayong papalapit na ang kompetisyon.
Mula alas-singko ng hapon hanggang magsara ang UST ng alas-10 ng gabi, walang-humpay silang nageensayo upang lalo pang mapagbuti ang kanilang pagsasayaw.
Ani Bautista, kasama sa pagpapaigting ng kanilang mga ensayo ngayon ang pagsasanay
sa gymnastics at pagbubuhat ng weights para sa mga kalalakihan.
Bentaha din sa Salinggawi ang pananatili ng choreographer nilang si Ryan Silva na dating kasapi ng grupo.
Para kay Silva, hindi sapat na dumikit lamang sila sa isang genre kaya nag-eensayo silang sumayaw ng jazz, hip-hop, ballet, at gymnastics.
Ayon kay Bautista, ang “jack of all trades” na si Silva ang arkitekto sa likod ng sunud-sunod na pagpapakapanalo ng Salinggawi kaya subok na ang galing nito.
Dahil sa tumataas na antas ng kompetisyon, hindi ipinangako ni Bautista na maiuuwi nila ang tropeo matapos ang dalawang taon na pananatili sa anino ng UP. Nag-aatubili rin niyang sinabi na may pag-asa pa rin silang makapasok sa top three.
Gayunpaman, hindi ang pagwawagi ang ultimong layunin ng Salinggawi. Mas mahalaga sa kanila ang maibuhos ang kanilang galing. “Bonus” lamang ang daw panalo.
“(Ang pagkapanalo) ay nasa kamay na ng mga judges,” ani Bautista. “Ang importante ay may matutunan kami sa isa’t isa sa pagdaan ng panahon kasi ang pagsayaw ay isang learning process.”
Ang disiplinang itinanim ng Salinggawi sa kanila at ang patuloy at walang sawa nilang pag-eensayo ang dahilan ng kanilang paggiging handa para sa kompetisyon na gaganapin sa Setyembre 13 sa Araneta Coliseum. May ulat mula kay Charizze L. Abulencia
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment