Cubs, nalusutan ang Eaglets

TILA lumusot sa butas ng karayom ang UST Tiger Cubs sa kanilang panalo laban sa Ateneo Blue Eaglets, 75-72, sa San Juan Arena noong Agosto 23.

Dahil sa panalo, hawak ngayon ng UST ang ikalawang puwesto sa team standings sa pamamagitan ng 7-3 kartada kapantay ng Ateneo. Nagmistulang see-saw ang ikalawang paghaharap ng dalawang koponan na pinatunayan ng walong lead changes at dalawang deadlocks sa kabuuan ng laro.

“Talagang pinaghandaan namin ang laban sa Ateneo. Pinaghusayan naming ang depensa at pinag-aralan kung paano sila mapigilan. Isa pa, nag-step up din ang mga bata,” sabi ni coach Allan Ascue.

Isang three-pointer mula kay Molline Gonzalez sa umpisa ng fourth quarter ang nagbigay ng kalamangan sa Tiger Cubs, 56-55, hanggang sa mapasakamay nila ang momentum at tuluyang nagapi ang Blue Eaglets. Mainit ang naging simula ng unang kanto para sa UST bunga ng maagang four-point play ni Kevin Ferrer na sinegundahan ng freethrows ni Kyle Neypes.

Subalit lumamang ang Ateneo, 14-17, pagkatapos ng unang yugto dahil sa magkakasunod na three-pointer at lay-up shots nina Raphael Banal at Luis Sinco. Sa pagpasok ng ikalawang kanto, ipinagpatuloy ng Ateneo ang pagsalakay gamit ang 6-0 run mula kina Timothy Capacio at Kevin Erazo, 14-23. Sinubukang makadikit ng UST gamit ang jump shots nina Raymond Inciong at Jerick Sumampong, kasunod ang three-pointers nina Storm Riva at Gonzalez, upang isarado ang first half, 36-40.

Sinamantala ng Ateneo ang maagang pagpasok ng UST sa penalty situation subalit hindi ito naging hadlang sa Tiger Cubs na sumandal sa tuloy-tuloy na pagtikada nila Ferrer, Mark Dia at Gonzalez, 48-50.

Pagdating ng fourth quarter, nasungkit ng UST ang kalamangan mula sa trey at dalawang charities ni Gonzalez, 58-55. Ngunit nagawang bumawi ng Ateneo sa huling minuto ng laban, gamit ang sandamukmok na freethrows, upang lagpasan ang Tigers, 71-72. Naging bayani si Ferrer na bumuslo ng ilan pa upang ibigay ang panalo sa UST, 75-72.

Nakabawi ang Ateneo at nagawa pang lumamang ng isa sa pag-capitalize sa kanilang freethrows, 71-72, sa huling minuto ng laban. Nagtala si Ferrer ng 15 puntos upang pangunahan ang UST na sinamahan pa ng 27 na pinaghalong puntos nila Neypes at Gonzalez. Samantala, parehong nagtala ng 22 puntos sina Kiefer Ravena at Banal para sa Ateneo.

Hindi nagpatinag

Bagaman hindi naging maganda ang pagbubukas ng ikalawang round para sa UST  Tiger Cubs, bumangon sila mula sa pagkatalo matapos nilang ilampaso ang UE Junior Warriors, 97-71, noong Agosto 18 sa Filoil Flying V Arena sa San Juan.

Sa unang yugto pa lamang, naging agresibo na ang Tiger Cubs sa depensa. Sunud-sunod ang pagnakaw nila ng bola mula sa kalaban.

Hanggang sa ikatlong kanto, hindi na pinagbigyan pa ng Tiger Cubs na makalusot ang kalaban nang magbitiw ng magkakasunod na tira si Tiger Cub Inciong.

Sa nalalabi pang oras, wala nang nagawa ang naghihingalong Junior Warriors nang pumalo sa 22 puntos ang kalamangan ng humahataw na Tiger Cubs, 93-71, 1:03 na lamang ang natitira.

Bumida si Neypes sa huling 4.7 segundo ng laro nang tapusin ang kanto sa pamamagitan ng isang eksplosibong slam dunk.

Nagtala si Neypes ng 26 puntos na sinundan ni Jimenez na may 23 puntos.  Umiskor naman si Kevin Fernandez ng 13 para sa UE.

Naging maganda para sa morale ng Tiger Cubs ang panalo pagkatapos silang dumapa laban sa FEU, 43-60 noong Agosto 15, sa pagbubukas ng pangalawang round.

Naging sagabal sa Tiger Cubs ang kanilang mahinang depensa, malimit na foul at mali-maling pagpasa kung kaya’t sa umpisa ng ikaapat na yugto, lumamang ang Baby Tamaraws ng 10 puntos na lumobo pa sa 15 sa pangunguna ng 8-0 atake ni Terrence Romeo, 41-56.

Nagtala si Romeo ng 35 puntos para sa FEU habang 13 puntos naman ang kay Ferrer para sa UST.

Samantala, pinulbos ng UST Tiger Cubs ang UE Junior Warriors, 104-67, noong Agosto 8 upang ibaon sa limot ang dalawang sunod na pagkatalo mula sa Baby Tamaraws, 74-76, noong Agosto 4 at De La Salle Zobel Junior Archers, 69-71, noong Agosto 1, sa pagtatapos ng unang round ng eliminations.

Post new comment

  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <p> <br>

More information about formatting options

User login

Recent comments

Disclaimer

Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.