HINILING ng UST College of Nursing kay Presidente Macapagal-Arroyo na bumuo ng isang independent board of inquiry na masusing mag-iimbestiga sa mga taong maaaring sangkot sa leakage ng mga sagot sa nursing board exams noong Hunyo 11 hanggang 12.
Sa isang pahayag noong Agosto 11, sinabi ng Faculty Association of the College of Nursing (Facon) na bubuuin ang board ng mga kilala at respetadong tao sa propesyong narsing.
Nais ng Facon na magrekomenda ang mga bubuo sa board ng mga paraan upang hindi na maulit ang iskandalong nangyari.
Dahil na rin sa matinding pagtutol ng Nursing at ng iba pang mga eskuwelahan sa narsing sa desisyon ng Professional Regulatory Commission (PRC) at Board of Nursing (BON) na suspendihin pansamantala ang panunumpa ng mga pumasa na idaraos sana sa Agosto 22.
“Pansamantala naming sinuspindi ang oath-taking hanggang sa susunod naming anunsyo,” ani BON chair Eufemia Octaviano sa Varsitarian.
Dahil sa diumanong kakulangan ng askyon na ginagawa ng PRC at BON, hiniling din ng Facon na magbitiw sa puwesto ang lahat ng opisyales ng PRC at BON, pati na rin ang presidente ng Philippine Nurses Association (PNA) na si George Cordero.
“Hindi naging sinsero ang mga taga-PRC at BON sa kanilang mga naunang pahayag,” ani Facon president Rene Tadle. “Samantalang dawit naman ang pangalan ni Cordero sa dayaan sa board exams.”
Maliban pa rito, nais din ng Facon na ipawalang-bisa ang pagsusulit at ipaulit ito sa mga examinees ng libre.
Sinuportahan naman ng mga opisyal ng Unibersidad ang mga hakbangin ng Nursing.
“Nakikisimpatya ako sa naisin ng mga guro ng Nursing na sugpuin ang bumababang kalidad ng nursing education. Ngunit hindi malayo na mabigo sila dahil na rin sa ilan nating mga tiwaling opisyal sa gobyerno na maaaring makaapekto sa kalalabasan ng mga isyu tungkol sa dayaan,” ani Fr. Rolando De la Rosa, O.P., assistant to the rector for Reasearch and Development at dating pinuno ng Commission on Higher Education (Ched). Matatandaang umalis si De la Rosa sa Ched dahil diumano pinipigilan siya ng mga pulitiko at makakapangyarihang tao para ipasara ang ilang nursing schools na mababa sa kalidad.
Naniniwala rin si Vice-Rector Fr. Juan Ponce, O.P. na tama ang ginagawa ng mga taga-Nursing na ipaglaban ang malinis na exam.
“Dapat nilang (Nursing) ipagpatuloy ang ginagawa nila dahil ipinaglalaban nila ang katotohanan at katarungan,” ani Ponce.
Nang lumabas ang resulta ng eksamen noong Hulyo 19, laking gulat ng mga taga-Nursing sa 312 o 83 porsyento lamang mula sa 374 examinees nila ang nakapasa sa eksamen. Isa na ito sa pinakamababag passing rate ng Nursing na kadalasang nakakakuha ng 90 porsyento pataas nang mga nakaraang taon. Samantala, 42.42 porsyento lamang ang national passing rate.
“Nadismaya kami noong una naming malaman ang resulta dahil inakala namin na valid ang exam,” ani Nursing Dean Glenda Vargas. “Ngunit nang lumabas ang maraming kontrobersya, pinagdudahan na namin ang integridad nito.”
Dalawang Tomasino ang nakapasok sa top 10. Nakakuha ng markang 82 porsyento si Maria Jara Jodloman upang makamit ang ika-pitong pwesto. Nakuha naman ni Dianne Lynn Panto ang ika-10 pwesto sa markang 81.40 porsyento. Ngunit dalawang cum laude ng Nursing ang hindi nakapasa sa exam.
Lalo pang tumindi ang pagdududa ng Nursing ng maglapitan ang mga examinees sa kanilang mga guro upang ikuwento ang ilang mga kataka-takang tanong sa board exam, tulad ng ano ang pagkakaiba ng iyak ng sanggol na lalaki at babae.
Dahil sa mga pagdududang ito, binuo ng Nursing ang Task Force Nursing Leakage 2006 (Task Force), ang opisyal na koalisyon ng Nursing na umaasikaso sa lahat ng mga pangyayari sa kontrobersya at ang mga hakbang na gagawin ng kolehiyo bilang sagot sa mga ito.
Sa dalawang forum na idinaos ng grupo noong Hulyo 31 sa Nursing Auditorium at noong Agosto 11 sa Medicine Auditorium, hindi nagkasundo ang mga guro, magulang, mga examinee at mga estudyante na dumalo sa forum na ulitin ang exam.
“UST ako eh,” anang isang estudyante. “Hindi naman ako nandaya so bakit ako uulit?”
Dinaluhan ng mga guro at mga estudyante mula sa ibang mga nursing schools tulad ng Far Eastern University, University of the East Ramon Magsaysay, Philippine Women’s University (PWU), at marami pang iba ang mas malaking forum noong Agosto 11.
“Dahil na rin sa kaduda-dudang integridad ng nakaraang exam, maaaring maisapanganib ang kalagayan ng mga paglilingkuran ng mga Pilipinong nars na nakapasa noong 2006,” ani Ruth Padilla, dating pangulo ng PNA. “Hindi maiiwasan ang pagdudahan ang mga nakapasa.”
Sa kabila ng pagkakahati, hinimok ni Innocencia Tionko, pangulo ng Task Force, ang mga estudyante at mga paaralan na magkaisa at kalimutan muna ang kumpetisyon sa kung ano ang mas magaling na eskwelahan ng narsing.
“Samahan ninyo kami,” ani Tionko. “Para sa kabutihan ng nursing education ang lahat ng ginagawa natin.”
Nagkaroon naman ng malawakang prayer rally na ginanap noong Agosto 15 na nagsimula sa UST hanggang sa tanggapan ng PRC sa Morayta. Dumalo ang mga estudyante mula sa iba’t ibang nursing schools para iprotesta ang pandarayang naganap sa board exam at himukin ang mga taga PRC at BON na bigyan ito ng karampatang aksyon. Habang maugong ang pagsigaw ng mga estudyante mula sa UST na ulitin ang pagsusulit, may mga estudyante rin na ayaw ng ulitin ang exam na nagsagawa ng sarili nilang prayer rally.
“Hindi pag- uulit ang solusyon,” ani Paul Michael Grageda ng PWU. “Nakapasa kami dahil sa sarili naming kakayanan.”
Sa parehong araw, nagkaroon ng pulong ang mga dekano mula sa iba’t ibang nursing schools at ang mga opisyal at miyembro ng PRC at BON. Napagkasunduan ng mga dumalo na pwedeng ulitin ng mga examinees na gustong umulit ng pagsusulit sa Disyembre sa kondisyong magpapasa sila ng waiver na nagsasabing payag silang maipawalang-bisa ang markang nakuha nila noong Hunyo.
Hindi man nagtagumpay ang mga taga-Nursing na himukin ang PRC na ipaulit ang buong exam sa lahat ng mga examinees, nagtagumpay naman sila sa iba pa nilang hangarin.
Noong Agosto 15, nagbitiw rin sa pwesto ang apat na opisyal ng BON kasama na si Octaviano. Ngunit hindi tinanggap ng PRC ang kanilang resignasyon dahil wala pa silang kapalit, at kailangan pa nilang tapusin ang mga tanong para sa pagsusulit sa Disyembre.
“Nakakalungkot dahil hindi tinanggap ng PRC ang pagbibitiw ng mga taga-BON,” ani Tadle. “May magbago kaya kung sila pa rin ang maghahanda ng tanong para sa pagsusulit sa Disyembre?”
Nagbitiw na rin sa pwesto si Cordero at ang kanyang pangalawang pangulo sa PNA nang lumabas ang isang testigong direstsang dinawit ang kanilang pangalan sa isang coaching session kung saan diumano’y pinakita ng ilang miyebro ng BON ang mga sagot ng ibang tanong sa exams sa mga kinatatwan mula sa piling paaralan ilang araw bago ang pagsusulit.
Noong Agosto 16, naglabas ng resolusyon ang PRC na nagpapahintulot sa mga nakapasa mula sa ilang lugar sa Visayas na manumpa na noong Agosto 17.
Nagsampa naman ng temporary restraining order sa Court of Appeals ang Nursing para pigilan ang panunumpa ng mga nakapasa dahil sa hindi pa nabibigyan ng karampatang solusyon ang iskandalo.
Nilinaw naman ni Tadle sa Varsitarian na hindi bunsod ng markang nakuha ng Nursing ang pagkontra nila sa PRC at BON.
“Kahit na mataas ang markang nakuha namin, ganoon pa rin ang aming gagawin,” ani Tadle. “Hindi namin papayagan ang kahit anong uri ng prostitusyon sa propesyong ito.” I.A.L. de Lara
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment