Ang daigdig ng tula ni Alejandro G. Abadilla

  • warning: substr() expects parameter 3 to be long, string given in /home/varsinet/public_html/sites/all/modules/link/link.inc on line 111.
  • warning: substr() expects parameter 3 to be long, string given in /home/varsinet/public_html/sites/all/modules/link/link.inc on line 111.
  • warning: substr() expects parameter 3 to be long, string given in /home/varsinet/public_html/sites/all/modules/link/link.inc on line 111.
  • warning: substr() expects parameter 3 to be long, string given in /home/varsinet/public_html/sites/all/modules/link/link.inc on line 111.
  • warning: substr() expects parameter 3 to be long, string given in /home/varsinet/public_html/sites/all/modules/link/link.inc on line 111.

WALANG kultura na maaaring makatakas sa likas na kalinangan ng mga aspekto nito, kabilang na ang sa Filipinas. Isang halimbawa ang panitikan, panulaan man o prosa; ito ay dumadaan sa mga panahon ng pagbabago. Tulad na lamang ng pag-usbong ng modernistang panulaan sa Filipinas sa pagsisimula ng ika-20 siglo. Ilang Filipino ang nagpakilala ng mga bagong kaisipan at pamamaraan ng pagsusulat ng tula.

Ito ang itinalakay ni Virgilio Almario, ang “ama” ng maraming kabataang makata ng bansa, sa kanyang lekturang “Ideolohiya ng Pagtula ni Alejandro Abadilla” at “Bakit Dalawa ang Ama ng Modernismo sa Filipinas” sa Center for Creative Writing and Studies (UST-CCWS) noong Marso 8.

Ama ng bagong tula

Inilahad ni Almario ang mga mahahalagang naiambag ni Alejandro Abadilla, kinikilalang Ama ng Modernismo sa Filipinas, sa panitikang Filipino.

Ayon sa kanya, sa simula ay sinubukan ni Abadilla ang magsulat ng mga maikling kwento, ngunit hindi niya ito itinuloy at siya ay nagsimulang magsulat ng mga tula. Nagsulat siya para sa Liwayway hanggang 1933. Naging gerilya siya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at nakaranas ng pagmamalupit ng mga Hapon kaya’t siya’y nabingi.

Si Abadilla ay namatay sa Veterans Memorial Hospital noong Agosto 26, 1969.

Modernong pagtula

Hindi nagustuhan ni Abadilla ang mga nakasanayang pamamaraan ng pagtula. Nasabi niya ito: “Walang makikitang pag-unlad. Marami pa ring mga palsipikadong balagtas, kahit sa balangkas o anyo.”

Nailimbag ang kanyang koleksyong “Ako ang Daigdig” noong 1940. Nagkaroon ng pag-aalinlangan sa kanyang mga tula dahil nagtataglay ang mga ito ng malayang taludturan na kaiba sa mga popular na anyo ng tugma at sukat.

Higit ang bilang ng mga nagduda at hindi tumanggap sa paraan ng pagtula ni Abadilla. Kakaiba sa karaniwang pagsusulat ang istilong ipinakilala niya, at hindi ito pinanigan at tinangkilik ng maraming Pilipino.

Hindi nagkamit ng Palanca si Abadilla, ngunit nakatanggap siya ng Cultural Heritage Award noong 1966.

Gayunpaman, makikitang mayroong kabuluhan ang mga nagawa niya para sa panitikang Filipino. Isa na rito ang pagtula “laban sa umiiral na kombensyon sa panulaang Filipino.” Kabilang dito ang pagtangging sumunod sa umiiral na tugma at sukat.

Nais din ni Abadilla na maghanap ng bagong tinig na iba sa karaniwang retorika ng mga makatang tulad ni Balagtas. Umiwas siya sa mga paksang paulit-ulit nang ginagamit sa pagtutula. Gumamit siya ng malayang taludturan.

“Awtentikong ako”

Ipinairal ni Abadilla ang “ka-akohan bilang tao at bilang makata.”

Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, matindi ang damdaming makabayan sa panitikang Filipino. Inusig ni Abadilla ang mga sinulat nina Rizal, Bonifacio, del Pilar, Balagtas at iba pang makabayang indibidwal. At nang magsimula ang kilusang modernista, nabigyan ng higit na halaga ang pagbuo sa sarili.

Naniwala siya sa pagiging payak na walang bahid na pagkukunwari at pagpapanggap. Ito ang pinakamahirap unawain para sa ibang tao, at kadalasa’y napagkakamalang pagiging anti-sosyal. Bilang resulta, siya ay nabatikos ng maraming mga kritiko.

“Katumbas ba ng kanyang sarili at pagsasarili ang damdamin na masugid ibantayog ang sarili laban sa lipunan?” tanong ni Almario.

Itinulad niya ang paghahanap ng isang tao sa kanyang sarili sa pagtakas ni Adan sa paraiso.

“Umunlad man ang tao, sumulong man ang kaalamang pang-agham nito, patuloy na kauuhawan ang nawala sa kanyang tubig na pambudhi at pangkaluluwa,” ani Almario.

Ang modernismong ipinakilala ni Abadilla sa bansa ay kaiba sa modernismong umusbong sa ibang lugar tulad ng Europa, na mas kumikiling sa pulitikal na aspekto ng pamumuhay. Ayon kay Almario, ang paniniwala ni Abadilla ay sa paghahanap sa sarili nang walang hinahanap na anumang gantimpala, at layon lamang na iwaksi ang pagkukunwari. Iyon ang halaga ng sarili.

Tulad na rin ng isang bahagi ng isang tula ni Abadilla: “Ang buhay ay buhay kung iya’y ginasta/Ang buhay ay patay kung nakaalkansya/Aling silbi pa ang hihigit kaya/Sa ganitong mithiin ng panitikan?” Lea C. Lazaro

Vol. LXXIII, No. 9 • March 25, 2002

Post new comment

  • Allowed HTML tags: <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <p> <br> <iframe>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options

Literary

User login

Recent comments

Disclaimer

Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.