Wikang Filipino sa perspekto ng Tomasino

  • warning: substr() expects parameter 3 to be long, string given in /home/varsinet/public_html/sites/all/modules/link/link.inc on line 111.
  • warning: substr() expects parameter 3 to be long, string given in /home/varsinet/public_html/sites/all/modules/link/link.inc on line 111.
  • warning: substr() expects parameter 3 to be long, string given in /home/varsinet/public_html/sites/all/modules/link/link.inc on line 111.

“SA LOOB ng 63 taon, walang sariling tahanan ang Wikang Filipino.”

Ang kawalan man ng permanenteng tanggapan ng Komisyon ng Wikang Pambansa (KWP) ang nais ipahayag ng pangungusap na ito ni Dr. Nita Buenaobra, kasalukuyang tagapangulong komisyoner ng KWP, hindi maitatangging repleksyon ito ng tunay na kalagayan ng wikang Filipino saan mang institusyon o tanggapan sa bansa, kabilang ang UST.

Mula taong 1996 hanggang 2001, ilang nagsusuring artikulo na ang nailathala sa Varsitarian na tumalakay sa wikang pambansa—ang pagbabago nito, ang pang-wikang tanggapan, at ang paggising ng kamalayan ng mga Pilipino sa kanilang wikang Filipino. Natalakay na rin ang pagkakaroon muli ng isang hiwalay na kagawaran ng Filipino sa UST.

Ilang personalidad na rin ang maka-ilang ulit nang nagsalita, nagpaliwanag, at nagmungkahi kaugnay sa usaping ito, lalo na tuwing Buwan ng Wika, tulad ni G. Danilo Baquiran, Virgilio Almario, Prop. Michael Coroza, Prop. Dakila Espiritu, Prop. Reynaldo Candido, at maging si Dr. Buenaobra ay nakapanayam na rin. Ngunit tila walang nakaririnig sa mga panawagan.

At dahil isang mahalagang elemento ang kaalaman at pagkadalubhasa sa sariling wika, minamubuti ng Varsitarian na muling bigyang pansin ang Filipino, bilang wikang pambansa ng Pilipinas—asignaturang itinuturo at araling pinag-aaralan ng mga Tomasino.

Pagsusuri ng Komisyon

Ang dating Surian ng Wikang Pambansa noon ang may kapangyarihan sa pagpapalaganap ng wikang Filipino na nang lumaon ay naging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas at ngayon ay tinatawag na Komisyon sa Wikang Filipino. At tulad ng pagpapalit ng pangalan ng tanggapan, nabuksan rin ang wikang pambansa sa pagbabago.

Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, taglay ang temang “Ang Wikang Filipino Tungo sa Globalisasyon,” ipinaunawa ni Dr. Buenaobra na ang nagaganap sa UST ay hindi katakataka, sa halip ay repleksyon lamang ng tunay na kaganapan sa buong bansa.

“Hindi biro ang pagpapalaganap ng wikang Filipino sa panahong higit na nangigibabaw ang agham at teknolohiya. Dahil dito, ang Komisyon ay nagtalaga ng 21 panrehiyong sentro sa wikang Filipino na matatagpuan sa (iba’t ibang) mga estadong pamantasan at unibersidad sa Pilipinas,” sabi ni Dr. Buenaobra.

Ibinahagi rin niya ang pagkadehado ng KWP maging sa listahan ng “priority projects” sa Malacañang.

“Kapag budget hearing, mahirap. Nariyan ang mga anti-Filipino (na mambabatas). Sila ang mga tinik sa Kongreso kapag hinihiling namin ang pondo ng wikang Filipino. Pero kahit papaano naman nakararaos din. Kasi kababayan ko si Secretary Emilia Boncodin (kasalukuyang kalihim ng Department of Budget and Management ng pamahalaan),” aniya.

Kabilang ang pagbibigay ng refresher course sa mga manunulat sa diyaryo sa mga pangunahing proyekto ni Dr. Buenaobra ngayong Buwan ng Wika.

“Ang refresher course ay ibinigay namin sa mga manunulat sa diyaryo tulad ng Bulgar, Abante, at iba pa.”

Maliban dito, proyekto rin ng KWP ang pagdiriwang ngayong taon ng Buwan ng Wika sa lahat ng mga sentro ng wikang Filipino sa pamamagitan ng paglalaan ng P10, 000 bawat sentro.

Ipinaliwag ni Dr. Buenaobra ang kahalagahan ng pagiging bukas ng mga guro sa Filipino sa pagbabago ng wikang Filipino.

“Hindi tulad ng mga “purista” sa wika, ang wikang Filipino ay dapat ekonomikal, simple, at may flexibilidad.”

Inalala ni Dr. Buenaobra ang minsang pagtungo niya sa UST upang dumulog sa “problemang” kinakaharap nito kaugnay sa kurikulum sa wikang Filipino.

“Kung tatanungin ako kung mahalaga ang pagkakaroon ng hiwalay na kagawaran ng Filipino sa isang paaralan, siyempre, oo ang isasagot ko,” pahayag ni Dr. Buenaobra.

“Pero nasa presidente o pinuno ‘yan, sa lagay ng UST, ang Rector—kung maka-wika o makabayan, kung magiging balanse siya sa paggamit ng wika,” patuloy niya.

At sa mababang bilang naman ng mga nagsisipagdalubhasa sa wikang Filipino, isa lamang ang nasabi ni Dr. Buenaobra, at ito ang ang kakayahan at kredibilidad ng mga guro.

“Mababago ang pananaw ng estudyante kung hindi lalamya-lamya ang mga guro at bukas ang mga ito sa pagbabago’t pag-unlad. Dapat ay palabasa rin ang mga estudyante,” aniya.

Pagtuturo

Kadalasang nagiging suliranin ng mga guro sa Filipino ang kawalan ng interes ng mga estudyante sa aralin. Ngunit iba ang kaso ni Prop. Zendel Rosario Taruc ng Kolehiyo ng Nursing.

Sa apat na taon niyang pagtuturo , wala pa siyang masasabing napagdaanang hirap sa pagtuturo ng wikang Filipino sa kanyang mga mag-aaral.

“Piling-pili ang mga estudyante dito. At tsaka general lang naman ‘yung approach ng subject,” ani ni Prop. Taruc.

Sa UST, may kurikulum sa Filipino ang lahat ng mga kolehiyo at fakultad, na kadalasang itinatakda sa mga mag-aaral na nasa kanilang una at ikalawang taon.

Idinagdag pa ng guro na sa pamamagitan ng pag-aaral ng Filipino ng mga mag-aaral, nagkakaroon ang mga ito ng pagkakataong malinang ang kani-kanilang kakayahan.

“(Sa pamamagitan ng pagsulat nila) doon ko nadidiskubre ‘yung talent ng mga estudyante ko. At hindi naman ako nabigo sa pagtuturo ko sa mga estudyante ko. Dahil alam kong naa-appreciate naman nila ang ginagawa ko,” ani ni Prop. Taruc.

Nagbigay din ng pahayag si Prop. Taruc sa usapin ng pagtatalaga ng hiwalay na Kagawaran ng Filipino sa UST.

“Mas mabibigyan ng pokus yung Filipino subject kung magkakaroon ito ng sariling kagawaran,” pahayag ni Prop. Taruc.

Binigyang-diin din ni Prop. Taruc ang maidudulot na tulong ng planong ito sa mga kapwa niya guro sa Filipino.

“Siguro mas mabibigyan ng pagkakataon ang mga guro na malinang ang kanilang field of specialization. Mas mabibigyan sila ng oportunidad na magsulat, at magsagawa ng mga research sa wika, na siyang medyo kulang ngayon,” patuloy niya.

Ayon kay Prop. Taruc, kung susuriin, sa ibang paaralan may hiwalay na kagawaran ang Filipino.

“Kung mapapansin natin, ‘yung mga universities na separated ang Department of Filipino sa English, like University of the Philippines, Ateneo de Manila University, Philippine Normal University, De La Salle University, etc., talagang kinilala sila sa researches nila sa wika,” paliwanag niya.

Kaugnay sa sinabi ni Prop. Taruc, natuklasan ng Varsitarian na hindi kasapi ang UST sa Sanggunian ng mga Unibersidad at Kolehiyo sa Filipino (SANGFIL), isang samahan na layunin ang pagpapaunlad at pagpapayabong ng wikang Filipino bilang paraan ng pagtuturo at opisyal na wika ng komunikasyon. Maliban sa mga paaralang binanggit ni Prop. Taruc, kabilang din sa SANGFIL ang Central Luzon State University, Far Eastern University, Polytechnic University of the Philippines, at Miriam College.

Ngunit naniniwala pa rin si Prop. Taruc sa kakayahan ng Kagawaran ng Wika.

”Ginagawa naman ng language department ang gampanin niya para malinang ang languages. Although wala masyadong koordinasyon (sa pagitan ng mga guro at sa kagawaran),” sabi ni Prop. Taruc.

Binigyan din ni Prop. Taruc ng kahalagahan ng Filipino sa globalisasyon.

“Hindi naman nagkukulang ang mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino na patuloy pang malinang ang wika. Para makapasok sa globalisasyon, talagang kailangan itong ma-intellectualize at ma-standardize. Ang layunin naman ng globalisayon sa edukasypn ay linangin ang mga kasanayan ng mga mag-aaral lalo na sa larangan ng Matematika at Agham. At maaaring maging tool ang Filipino na malinang ng lubos ang mga konsepto sa mga asignaturang ito,” pagtatapos ni Taruc.

Tomasino at ang Araling Filipino

Lingid sa karamihan, mayroon pa ring kurso sa Unibersidad na nagpapakadalubhasa sa wikang Filipino. Ito ay ang kursong BSE in Filipino sa ilalim ng Kolehiyo ng Edukasyon. Isa sa mga kumukuha nito ay si Joy Aura Servas, kasalukuyang nasa ikatlong taon.

“Ang dami naming Filipino subjects, 16 lahat. Kung titignan mo, ang dali-dali. Kasi Filipino naman ang sinasalita natin. Pero kung seryoso mong pag-aaralan, napakahirap. Kasi ang lalalim ng mga salitang kailangan mong pag-aralan, tapos iyong mga pagsasaling-wika,” sabi ni Servas.

Ayon kay Servas, bagamat may pagbabago naman ang kanilang pinag-aaralan sa bawat semester, napapansin niyang parang dinadagdagan lamang ang mga luma nilang pinag-aralan.

“Mayroong iba nandoon pa rin iyong pinag-aralan namin, siguro dahil part na sila ng history. Tapos napansin ko rin na minsan iyong ginagamit nilang (mga guro) reference material ay sa English nakasulat tapos itina-translate lang nila (guro) sa Filipino. Siyempre hindi maiiwasan na may mga words na nahihirapan kami sa pag-translate,” aniya.

Pinansin din ni Servas ang pagiging matamlay ng grupo ng mga nagdadalubhasa sa wikang Filipino.

“Sa katunayan, parang napaka-weak (ng major namin) kasi kakaunti kami. Imagine wala pa kaming 10, so wala talaga kaming magagawa. Sa totoo lang, sa lahat ng major, kami lang ang walang organization. Gusto man namin magkaroon ng organized body, hindi pwede dahil sa konti lang kami, sapat na para mabuo ang isang set ng officers. May bubuuin sana kaming (Filipino majors) organization na parang language society, kasama ang mga English majors, kaya lang hindi pa ina-approve ni Dean,” pahayag ni Servas.

Gayundin naman, bilang isang mag-aaral ng Kolehiyo ng Edukasyon, pinahahalagahan din ni Lucie Marie Muyco, nasa ikalawang taon sa kursong BSE in English ang wikang Filipino at ang mga propesor na nagtuturo sa kanya nito.

“Effective siya (guro sa Retorika) kasi natututo naman ako. At ‘yung mga itinuturo niya, naa-apply ko sa pang-araw-araw kong ginagawa. Nalalaman ko rin ang mga salitang patay, o salitang balbal,” sabi ni Muyco.

Bagamat Ingles ang napiling kursong pagdadalubhasaan, ipinahayag ni Muyco ang natatangi niyang pagturing sa wikang pambansa.

“Binibigyan man namin ng importansiya ang English bilang major namin, mas inuuna pa rin namin ang sarili nating wika. Kasi hindi nila (ibang mga mag-aaral) minsan nabibigyan ng importansiya ang subject na mahalagang bahagi ng ating kultura.

Samantala, halos nagpatibay ang mga pahayag ng mga Tomasinong may ibang kurso ang pananaw ni Serva ukol sa maling pagtingin sa araling Filipino.

Ayon kay Marco Yee, 2nd yr., Information Technology mula sa College of Science, napag-aralan niya ang Filipino noong nasa ika-unang taon niya sa unibersidad at nakikita niya ang pangangailangan para sa pagbabago nito.

“Para kasi sa akin, ang Filipino dapat more on practical way of teaching. Hindi `yung masyadong lectures,” ani ni Yee.

Hindi naman sineseryoso ni Jocelyn Therese Alinell, ng kursong Advertising mula College of Fine Arts and Design, ang araling Filipino noong nasa unang taon pa lamang siya.

“Hindi ko sineryoso kasi naman `yung tinuturo parang na-take-up ko na noong high school.”

Hamon

“Tagalog man ay dapat mag-aral din.”

Ito ang pamagat ng sanaysay, na naisulat noong1940, ni Jose Villa Panganiban, dating patnugot at kinikilalang Ama ng Varsitarian, ilang taon matapos maipasa noong 1938 ang Batas Komonwelt Blg. 184 na siyang lumikha ng Surian ng Wikang Pambansa.

Sa artikulong ito, ipinahayag ni Panganiban, na naging guro ng Wika sa UST at sa iba pang mga pamantasan sa bansa, ang pagnanais niyang maipaunawa sa mga Pilipino, partikular sa mga mag-aaral, ang kahalagahan ng seryosong pag-aaral at paglinang sa wikang pambansa.

“Tagalog man o hindi, sa panahong ito nang pagsisimula sa pagtatag ng Wikang Pambansang Pilipino, kailangang mag-aral at magsanay upang sumapit ang panahong hindi lamang ang lahat ng Pilipino ay magsasalita ng Wikang Pambansa kung hindi magkakaloob sa bansa ng mga akdang pampanitikang may sinasabi at may nilalaman,” sabi ni Panganiban.

Mahigit 60 taon na ang nakalipas mula nang mailathala ang sanaysay ni Panganiban na mistulang nagtakda ng isang pambansang hangarin—ang magkaroon ng tiyak na pagkakakilanlan ang wika ni Juan de la Cruz.

Ngunit sa haba ng panahon, masasabing ganap na ang hangaring ito. Pero kahit napalitan na ng Filipino ang Tagalog bilang pantawag sa wikang pambansa, hindi pa rin matiyak ng mga estudyante ngayon ang pagkaka-iba ng ng at nang; pagtukoy ng paksa mula sa panaguri, lathalain mula sa sanaysay; at ng bukod sa mula sa maliban sa; at ng tamang paggamit ng pang, mang, at sang (panghukay, mangharang, sangkatauhan) at ng pan, man, at san (panlahat, mandukot, sansinukob).

At tulad ng inaasahan, bilang isang pambansang suliranin, uusbong ang kulturang turuan ng mga Pilipino. Sino ang dapat managot sa matamlay na pagpapalaganap ng wikang pambansa? Ang mga pabayang opisyal ng pamahalaan, ang mga guro sa paaralan, o ang mga tamad na mag-aaral?

Tomo LXXIV, Blg. 4 • Agosto 30, 2002

Post new comment

  • Allowed HTML tags: <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <p> <br> <iframe>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options

User login

Recent comments

Disclaimer

Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.