LAHAT ng pangunahing kalsada sa Maynila ay ipinangalan sa mga tao maliban sa España.
Pinanganalanang “España” ang kalsada sa harap ng UST bilang pagkilala sa bansang pinakamatagal na sumakop sa Pilipinas.
Ngunit bago ito naging España, ang kalsadang may habang dalawang kilometro ay bahagi ng Hacienda de Sulucan, isa sa sampung baryong noon ay bumubuo sa Sampaloc. Pagmamay-ari ito ni Doña Catalina de Guzman, biyuda ni Kapitan Juan de Cañedo, isang opisyal ng gobyerno ng España na nanirahan sa bansa. Enero ng taong 1694 nang ipagkaloob ni De Guzman ang hacienda sa mga madre ng Monasterio de Santa Clara.
Taong 1905 naman nang isubasta ng mga madre ang monasterio. Sa pagnanais sumali sa subasta sa kabila ng kakulangan ng pondo, humiram sina Antonio de la Riva , isang negosyante, at ang Tomasinong abugado na si Alfredo Chicote, kay P. Buenaventura Garcia Paredes, O.P. ng P300,000 bilang kapital. Agad naman silang pinautang ni Paredes matapos nitong malaman ang balak nina De la Riva at Chicote na patayuan ng pabahay ang lupa sakaling makuha nila ito. ‘Di naglaon ay itinatag ng dalawa ang Sulucan Development Co. Ltd.
Noong 1913, ipinagkalooob ng kumpanya ang isang bahagi ng lupa upang magamit bilang pangunahing kalsada papuntang Sulucan. Ngunit may kondisyon: “Espana” ang magiging pangalan ng kalye. Ang hindi pagtupad sa napagkasunduan ay magdudulot ng pagbawi ng lupa.
Una nang tinangkang palitan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pangalan ng España bilang “Quezon” higit 40 taon na ang nakararaan. Ito ay upang i-parehas sa Quezon Boulevard sa Quiapo at sa Quezon Avenue mula Welcome Rotonda (ngayo’y Mabuhay Rotonda) ang naturang kalsada. Subalit umapela ang mga tagapagmana ni De la Riva at ipinaalala ang kondisyon ng donasyon.
Nagkaroon din ng mga haka-haka noong 2004 na may balak palitan ang pangalan ng España at gawin itong Arturo Tolentino bilang pagkilala sa dating senador, ngunit dahil sa parehong dahilan, hindi rin ito naisulong.
Tomasino siya
Maririnig sa bawat kolehiyo pagpatak ng alas-dose ng tanghali, alas-tres ng hapon at alas-sais ng gabi ang mga nagdarasal mula sa organisasyong Pax Romana, ang pinakamatandang organisasyong pangsimbahan ng UST na itinatag ng yumaong si P. Francisco del Rio, O.P. noong 1930.
Tubong Felmin, España, inordinahan si Del Rio noong Hunyo 14, 1928 sa Rosaryville, Louisiana, Estados Unidos.
Matapos makuha ang kanyang licentiate at doctorate degrees mula sa UST Faculty of Sacred Theology, nagturo si Del Rio ng moral theology sa pakultad ng 25 taon, at nagsilbing dekano nito ng tatlong termino. Naging dekano rin siya ng Institute of Religion mula 1955 hanggang 1960, at rehente ng Faculty of Medicine and Surgery. Si Del Rio ang nagtatag ng Catholic Physicians’ Guild of the Philippines noong 1936, na ang punong tanggapan ay makikita ngayon sa loob ng Unibersidad.
Kilala si Del Rio sa mga sulatin niya tungkol sa moralidad gaya ng usapin ng aborsyon. Ilan sa mga ito ang “Theological and Pastoral Reflections” at ang “Where is Moral Theology going?”
Namayapa si Del Rio noong Nobyembre 1, 1984 sa matagal na pagkakasakit.
Tomasalitaan
Ngalukting (png) – pangangatal ng ngipin dahil sa ginaw.
Halimbawa: Nangalukting si Rona pagdating niya sa bahay dahil sa kanyang trangkaso.
Mga sanggunian:
The Varsitarian: Tomo LVI, Blg. 8, Nobyembre 15, 1984
Torres, J.V.Z. (2007). In Transition: the University of Santo Tomas during the American colonial period (1898-1935). UST Publishing House
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment