Bigat ng pangarap

  • warning: substr() expects parameter 3 to be long, string given in /home/varsinet/public_html/sites/all/modules/link/link.inc on line 111.
  • warning: substr() expects parameter 3 to be long, string given in /home/varsinet/public_html/sites/all/modules/link/link.inc on line 111.
  • warning: substr() expects parameter 3 to be long, string given in /home/varsinet/public_html/sites/all/modules/link/link.inc on line 111.
  • warning: substr() expects parameter 3 to be long, string given in /home/varsinet/public_html/sites/all/modules/link/link.inc on line 111.
  • warning: substr() expects parameter 3 to be long, string given in /home/varsinet/public_html/sites/all/modules/link/link.inc on line 111.

Dibuho ni S.I.R. MacaisaKAHIT MINSAN, hindi sumagi sa isip ko na tumigil sa pag-aaral.

Sa isang estudyanteng katulad ko na kailangang pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral upang matustusan ang sarili, hindi ko maiwasan na mainggit sa aking mga mapapalad na kamag-aral na hindi na kinakailangan pang magbanat ng buto upang magkaroon ng sapat na pera.

Nakakalungkot ding isipin na may mga kabataan na kailangan pang maging iskolar para lang makapag-aral o magpuyat gabi-gabi sa call center para magkaroon ng karagdagang kita upang makatulong kahit papaano sa kanilang mga pamilya. Sa aking pananaw, ang mga bagay na dapat gawin ng labingwalong taong gulang na tulad ko ay ang mag-aral lamang. Kapag nakatapos na sila sa kolehiyo, saka lamang sila dapat magtrabaho.

Kaya naman, hindi ko maiwasan na malungkot sa tuwing may magtatanong sa akin kung bakit ako naghahanapbuhay ng ganito kaaga kahit na mayroon akong mga mabibigat na pasanin sa academics at extra-curricular activities. Wala akong ibang maisagot sa katanungang ito kundi “kailangan ko kasi.”

May mga nagtatanong din kung masaya ba o nahihirapan ako sa mga ginagawa ko. Ang iba nga sa kanila gusto pang pumasok sa pinagtatrabahuhan ko para naman daw may mapagkaabalahan sila bukod sa pag-aaral o hindi naman kaya ay madagdagan ang baon na binibigay sa kanila ng kanilang mga magulang upang mabili nila ang mga gusto nilang bagay.

Pero kung alam lang nila ang hirap na pinagdadaanan ko bilang miyembro ng crew sa isang fast food chain, baka hindi na nila isiping subukan pa ito. Ang pagligpit ng pinagkainan, pagtapon ng basura at pagngiti sa gitna ng pagod, na marahil ang pinakamahirap na ginawa ko sa buong buhay ko. Ang sinusuweldo ko mula sa pagtatrabaho tuwing ikalabinlimang araw ay sapat lamang na pamasahe ko patungo sa paaralan at pabalik sa bahay namin sa Cavite. Hindi ko kasi kayang umupa ng isang dormitoryo. Kung ako lang talaga ang papipiliin, itutuon ko na lang talaga ang aking pansin sa mga gawaing pampaaralan, lalo na sa asignaturang panlinggwistika.

Masarap sanang isipin kung wala nang mahirap o mayamang tao sa ating lipunan. Pero sa sitwasyon ko ngayon, kahit madalas akong nahuhuli sa pagbababayad ng matrikula at minsan kinakapos sa pamasahe, mabuti na ring may disenteng tahanan pa rin akong inuuwian at nakakaraos pa rin naman ako sa buhay.

Sa gitna ng krisis na pinagdadaanan ng ating bansa, tanging ang mga mayayaman pa rin ang may kakayahang mabuhay ng maginhawa habang ang mga mahihirap naman ay lalong naghihirap.

Sa tuwing umuuwi ako sa Cavite, napapadaan ako sa maliwanag na bangketa sa Baclaran kung saan nagkalat ang mga pamilyang walang disenteng tahanan. Marahil ang karamihan sa kanila ay taga-malayong probinsya na nagbakasakaling makahanap ng magandang kapalaran sa Maynila. Ngunit nabigo sila dahil kulang ang oportunidad na makapagtrabaho sa siyudad at humantong sila sa panlilimos upang mabuhay sa araw-araw.

Nang minsan naman akong sumakay sa jeep papasok sa UST, isang babaeng estudyante ang nagreklamo sa tsuper dahil sa maling pagsingil ng pamasahe. “Manong, 50 centavos palang ang tinaas, five pesos na kaagad yung sinisingil mong dagdag,” sabi ng estudyante. Bagama’t mali ang ginawa ng tsuper, hindi ko naman magawang magalit sa kanya dahil kakarampot lang naman talaga ang naiuuwi nilang pera para sa kanilang pamilya sa maghapong pamamasada. Sa sitwasyong iyon, naisip ko kung gaano kadali ang buhay ng mga elite sa pagbiyahe sa mga masisikip na kalsada ng Metro Manila, dahil mayroon silang sariling sasakyan na puwedeng gamitin.

Nang isulat ko naman ang isang artikulo tungkol sa pagtaas ng presyo ng bigas at kuryente dahil umano sa kakulangan ng supply ng mga ito, naisip ko kung paano naghihigpit ng sinturon ang mga mahihirap para lamang mapagkasya ang kakarampot nilang kinikita sa araw-araw.

Habang nakikita ko ang mga ganitong pangyayari, gusto ko sanang maniwala sa minumungkahi ng Teorya ng Pantay na Distribusyon ng mga Kayamanan sapagkat sinasabi nitong ang mga bagay ay dapat pantay-pantay na pinaghahatian ng lahat ng tao. Ngunit malabong mangyari ito.

Siguro kung ipapamahagi lamang ng mga mayayamang tao ang kanilang pera sa mga mas nangangailangan, marahil wala nang kailangan pang maghirap at magtrabahong estudyanteng katulad ko. Pero hindi lahat ng nakakaangat sa buhay ay masisikmurang gawin ang naisip ko. Masuwerte pa nga ako kung tutuusin dahil marangal ang nakuha kong trabaho samantalang ang iba, ilegal ang pinasukan, katulad ng prostitusyon o pagnanakaw.

Sa gitna ng pag-aaral at pagtatrabaho, minsan naiisip kong marami na pala akong napapalagpas sa aking pagiging teenager. Ang mga oras na ginugugol ko sa trabaho ay magagamit ko pa sana para sa aking pagpapahinga o para sa aking pamilya, kaibigan at kung ipapahintulot ng tadhana, sa pag-ibig.

Pero naisip ko na ang lahat ng bagay at pangyayari ay may kadahilanan. Nandito kaming mga working students para ipakita sa ibang kabataan kung gaano kahirap ang kumita ng pera sa panahong ito.

Kaya naman wala akong maramdaman kundi inis sa mga kabataang nag-aaksaya ng pera sa pagbili ng kung anu-anong mga bagay na walang kabuluhan at gumagastos na parang sila ang naghihirap na kumita ng ikabubuhay. Noon pa man alam ko na ang halaga ng pera, mas lalo na ngayong nararanasan ko na kumayod para may magastos sa araw-araw.

May mga kabataan din na mababa ang tingin sa mga taong hindi nila kapantay ng estado sa buhay. Pero ang mga estudyanteng pinag-aaral ng kanilang mga magulang ngunit hindi pinagtutuunan ng pansin ang pag-aaral ay mas malala pa. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil kahit papaano nababalanse ko pa rin naman ang pag-aaral sa pagtatrabaho.

Alam ko pa rin naman ang kahalagahan ng edukasyon kahit pa marami sa aking mga kasamahan sa trabaho at dating mga kaeskuwela na mas piniling tumigil sa pag-aaral ay nagmungkahi na gayahin ko na rin sila. Hindi ko naman sila masisi dahil mahirap talagang pagsabayin ang paghahanapbuhay at pag-aaral.

Marahil, gusto lang ng Diyos bigyan ng pagsubok ang mga tao, upang pagkatapos ng lahat ng pinagdaanang paghihirap sa pag-abot sa kanilang mga pangarap, mas masarap ang kanilang pakiramdam.

Kaya naman itinatak ko sa aking isipan na kaya kong lagpasan ang bigat ng trabaho at pag-aaral, upang balang araw, makakamtan ko rin ang trabahong pinakaaasam ko: ang maging isang marangal na peryodista, na hindi nabibili ang prinsipyo.

Tomo LXXX, Blg. 3 • Agosto 30, 2008

Post new comment

  • Allowed HTML tags: <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <p> <br> <iframe>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options

User login

Recent comments

Disclaimer

Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.