Bekimon: Ebolusyon ng salitang bakla

Dibuho ni Fritzie Marie C. AmarNOONG una “jejemon,” ngayon “bekimon.”

Tunay ngang daynamiko ang wikang Filipino dahil sa pagsibol ng isa na namang panibagong terminong ginagamit na ng marami—ang “bekimon.”

Unang sumikat sa Internet, itinuturing ang mga “bekimon” na bagong mukha ng salitang bakla sa Pilipinas. Mula ito sa salitang kolokyal na “beki” na nangangahulugang bakla, habang ang salitang “mon” ay nanggaling sa mga nausong “jejemon”, o mga taong mahilig gumamit ng mga special characters sa pagtetext.

Ang terminong “bekimon” ay nilikha ni Bern Josep Persia, isang aminadong “bekimon” sa sikat na sikat na video sa website na YouTube. Kita sa kaniyang mga video ang paggamit niya ng salitang “bekimon” sa iba’t ibang lugar at pagkakataon. Ito ay ang ebolusyon ng dating “swardspeak” at gay lingo, na matagal nang namamalasak sa lipunang Filipino.

Bagong sosyolek ng lipunan

Sa nagdaang Sawikaan 2010 noong Agosto, ipinakilala ni Jesus Hernandez, tagapangulo ng Departamento ng Linggwistiks sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), ang “bekimon” bilang bagong sosyolek o jargon ng lipunan.

Ayon kay Hernandez sa kaniyang papel na pinamagatang “Pasok sa Banga: ang mga sosyolek bilang batis ng mga salita sa Filipino,” na kaniyang binasa noong ika-29 at 30 ng Agosto sa Sawikaan na ginanap sa Unibersidad ng Pilipinas, ang wika ay masasabing sumasabay sa pagbabago ng panahon at lipunan, isang mahalagang katangian sa paghubog ng wika.

Ang wika, giit niya, ay may baryasyon na tinatawag na sosyolek. Ito ay dulot ng mga pagpapangkat ng mga grupo ng mananalita at pakikipag-uganayan ng mga mananalita sa ibang sektor ng lipunan. Isa sa mga pinakamatingkad na sosyolek sa lipunan ay ang “swardspeak” o mas kilala bilang gay lingo.

Kumpara sa ibang sosyolek, ang “bekimon” ay mayroong kakaibang pagkakabuo ng salita na makikita sa pamamagitan ng mga paraang paglalapi tulad ng anek sa “anekwabum”; pagpapalit ng tunog gaya ng “bo-o” bilang tao; paggamit ng mga akronim gaya ng OPM o “Oh Promise Me,” na nangangahulugang sinungaling; pag-uulit ng isang bahagi ng salita o ng buong salita gaya ng “chika-chika,” na nangangahulugang pag-uusap; pagkakaltas, gaya ng “anda” na galing sa “ang datung,” na nangangahulugang pera; katunog ng isang salita kasama na ang paggamit ng mga pangalan ng mga sikat na mga lugar at mga tao gaya ng “Carmi Martin,” na may ibig sabihin na karma; at panghihiram gaya ng Ingles na salita na “fly” na nangangahulugang pag-alis.

Ayon sa kaniya, isang mahalagang katangian ng salitang bakla ay ang “pagkukubli,” kung saan ang orihinal na anyo ng salita ay iniiba ang pamamaraan ng pagbuo upang hindi maintindihan.

Sa tingin ni Hernandez, ito ay dahil sa konteksto ng pakipagtutunggali ng mga bakla sa kulturang patriyarkal ng lipunan, kung saan nagkakaroon ng stigma na ang pagiging bakla ay isang kasalanan o kamalasan. Ang katangiang ito ang siyang dahilan ng mabilis na pagbabago ng mga salita at ito ay nagsisilbing instrumento ng mga bakla upang makipagtunggalian sa lipunang mapanghusga.

Dagdag pa niya, sa larangan ng showbiz, kung saan makikita na talamak ang paggamit ng salitang bakla, ang media ay nagsisilbing instrumento ng pagpakakalat at pagpasisikat ng mga salita sa lipunan.

Bagaman hindi lahat ng salitang bakla ay pumapasok sa kamalayan ng maraming Filipino, masasabing ang isang salita ay nagiging ganap na bahagi lamang ng pambansang wika pagkatapos nitong dumaan sa pagiging slang ng mga Filipino.

Bekimon sa akademya

Ayon kay Alvin Ringgo Reyes, guro sa Filipino sa College of Tourism and Hospitality Management, ang “bekimon” ay hindi isang bagong penomena sa wikang Filipino dahil matagal na itong ginagamit sa bansa gamit ang ibang katawagan.

“Kung uugatin natin [kung] kailan nagsimula itong mga salita na ito na naiiba ang istruktura, partikular na ang napakamalikhain nilang morphology o ang pagkakabuo ng salita, ito ay dati pa, panahon pa lamang ni Marcos ay may gumagamit na ng gay lingo,” aniya.

Kaniya ring inihambing ang media noon sa kung anong klaseng media mayroon tayo ngayon. Ayon sa kaniya, ang programa sa radyo na “Tambalang Balasubas at Balahura” ay isang testimonya ng malayang paggamit ng wika sa media ngayon.

“Marahil ang pagkakaiba sa mga gumagamit nito ay ang linggwistikong pananaw. Halimbawa, kung ang isang propesor ay lulubusin ang kaniyang academic freedom at gagamit siya ng ganitong klase ng wika (bekimon) sa pagtuturo at kaniyang mapatutunayan na ito ay mas mabisa kumpara sa karaniwang istruktura, maituturing siyang isang ‘bekimon’ kahit siya ay hindi kabilang sa third sex,” aniya.

Iginiit naman ni Reyes na siya ay hindi tutol sa paggamit ng “bekimon” dahil para sa kaniya, ito lamang ay isang malikhaing paggamit ng wika.

“Ang wika ay mayroong kani-kaniyang teritoryo. Kung ikaw ay nasa akademiya tulad ng UST, na isa sa mga tagapanday ng tamang istruktura ng wika mula simula’t sapul, kung ihahambing sa La Salle, Ateneo, at UP, tayo ay maituturing na purista,” ani Reyes.

Ngunit para sa kaniya, ang paggamit ng “bekimon” sa akademiya ay maituturing na trespassing dahil sa pamantayan ng akademikong wika.

“Kung ang akademiya ang siyang paggagamitan mo ng ‘bekimon’, maituturing itong trespassing dahil ang wika na dapat mamayani rito ay akademikong wika. Ngunit kung ito ay pangkaraniwang kuwentuhan at gusto ninyo maging masaya ang normal na paksa, ang paggamit ng ‘bekimon’ ay makatutulong,” ani Reyes.

Dagdag pa niya, ang “bekimon” ay sagot sa pangangailangan ng tao na mapaganda pa ang usapan, kung kaya’t hindi ito agad mawawala sa dilang Filipino.

“Maaaring lumipas ‘yong tawag na ‘bekimon’ ngunit ang lalim ng paggamit nito ng mga mamamayan, sa palagay ko, ay mahihirapang kumupas,” ani Reyes.

Aniya, ang kapalasakan ng wikang bakla ay dahil sa mga mensaheng gusto nilang ikubli at dahil sa paghahangad ng mga bakla na magkaroon ng espasyo sa lipunan.

“Ang mga bakla ay gumagamit ng ganitong klase ng wika (bekimon) upang makabuo ng sila ng espasyo sa isang lipunang masyado silang nasusupil,” ani Reyes.

Mga Tomasinong ‘bekimon’

Ikinuwento ni Marc Alcala, 20, ng Conservatory of Music, na siya minsan ay tinatawag na “Beki” dahil sa kaniyang paggamit ng “bekimon”.

“Noong unang nauso ang ‘jejemon’ lumabas rin ang ‘bekimon’. Kung tutuusin, mas nauna ang gay lingo kaysa sa sa kanila (jejemon) ngunit noong sumikat ang mga jejemon, gumawa ang gay community ng ‘bekimon’ upang hindi malimutan ng tao ang gay lingo,” ani Alcala.

Maituturing ni Alcala na “hawa-hawa” ang pagkatuto ng “bekimon” dahil siya mismo ay ganito natuto. Laking gulat niya nang makarinig siya ng mga tunay na lalaking gumagamit ng salitang bakla.

“Kahit mga straight guys din ay minsan gumagamit na nito (bekimon), kaya nagugulat ako. Minsan sa text sinasabi nila “haller” o kaya “echos mo,” kaya natatawa ako,” ani Alcala.

Tulad ni Alcala, isa pang Tomasino na aminadong nagsasalita at gumagamit ng “bekimon” ay si Shereen de la Cruz, 19, ng Faculty of Arts and Letters. Dahil sa kaniyang paggamit ng wika ng mga bakla, batid niya na siya ay isa sa mga tinaguriang babaeng bakla.

“Hindi naman ako nasasaktan kapag tinatawag nila akong babaeng bakla. Marahil nasabi lang nila iyon dahil sa aking pananalita, ngunit para sa akin, ekspresyon ko lamang iyon,” ani De la Cruz.

Ayon kay De la Cruz, ang kaniyang pagkatuto ng “bekimon” ay dahil sa impluwensiya ng kaniyang mga kaibigang bakla.

“Dahil sa marami akong kaibigan na bakla, tuwing nagkakausap kami, marami akong natututunan na bagong mga salitang bakla,” aniya.

Dagdag pa niya, nakagagaan ng kaniyang loob tuwing nakikita niyang masaya ang kaniyang mga kinakausap. Ginagamit din ni De la Cruz ang “bekimon” maski sa hindi bakla.

“Naiintindihan naman ito ng lahat dahil ang mga salitang ito (bekimon) ay hango rin sa salitang katunog nito, tulad ng ‘crayola’ na nangangahulugang umiyak (cry),” aniya. Patricia Isabela B. Evangelista

hi

NAPAKA HALGA NG SALITANG BKIMON KASE D2 NA PAPAPTUNAYAN NG MGA TAONH GUMAGAGAMIT D2 KUNG GANO SILA KA MALIKHAIN SA PAGSASALITA SA PAMAMAGITAN NG LINGGWISTIKONG PANG BAKLA

Post new comment

  • Allowed HTML tags: <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <p> <br> <iframe>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options

User login

Recent comments

Disclaimer

Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.