MGA PAA nati’y lumilibot,
lumiligid nang walang humpay
habang sumasayaw sa saliw
ng musikang kaindak-indak.
Lahat ng mata’y nakakadena
sa mga walang lamang upuan
at sa biglang paghinto ng tugtog,
tayo ay hindi magkandaugaga.
Nag-uunahan, hilahan, at nanghahawian
walang alinlangang nangunguyog,
handang manakit at mang-iwan
para sa ginhawa ng pag-upo.
Ang karamiha’y masayang nakaupo,
komportable’t buo ang mga ngiti
habang ang isang kasamaha’y
nakatayo at nag-iisang talunan.
Isang nakahihilong biyahe
patungo sa sinasabing Herusalem,
nakakakonsensya at nakasusuka
na nagmula sa bakanteng silya.
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment