Jejemon at wikang Filipino

EyoW PfoUwhsZ! N4i!n+1nD!h4n nY0oHw Pfu0H b4nGzZ 5!n4$4b! kOwhH??? (Hello po! Naiintindihan n’yo po ba’ng sinasabi ko?)

MARAHIL kung wala ang sumunod na pangungusap, mahihirapan ang sino man na basahin at intindihin ang simpleng tanong na nakasulat sa paraang kinaiinisan ng marami sa kasalukuyan— ang jejemon language.

Maliban sa kakaiba nilang pananamit – maluwag na kasuotan at makulay na cap na pinapatong lamang sa halip na isinusuot– pinupukol ng mga batikos ngayon ang mga taong tinaguriang “jejemon” dahil sa paraan nila ng pagsulat at pagbaybay ng mga salita sa text message: ang pagpapahaba ng mga salita sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga letrang h, w, y, z, at paggamit ng mga numero kapalit ng ilang letra (gaya ng “4” sa halip na “a,” at “1” sa halip na “I”). Dahil dito, inilarawan ng Urbandictionary.com ang mga jejemon bilang “anyone with a low tolerance in correct punctuation, syntax and grammar.”

Ngunit sa panayam ng Varsitarian kay Nero San Juan, isang estudyante sa mataas ng paaralan at aminadong jejemon, sinabi niya na ang pagsusulat at paggamit ng jejemon language ay style lamang niya.

“Noong una nga, hindi ko naman alam na jejemon na pala tawag doon sa estilo ng pagte-text ko. Design ko lang kasi ‘yong ganoon sa pagte-text tulad ‘nong iba na may sariling style din sa pagte-text,” ani San Juan.

Kaya naman hindi raw niya maisip kung bakit pinalaki ng mga tao ang isyu tungkol dito. “Minsan iniisip na lang namin ng mga kaibigan ko na sikat kami kasi pinag-uusapan kami. Kaya lang kasi, minsan nakakainis ‘yong dinidiktahan kami na ‘wag kaming maging [jejemon]. E sila naman hindi namin pinakikialaman kung paano sila pumorma o mag-text,” ani San Juan.

Language trend

Ayon kay Fernando Pedrosa, sosyologo at tagapangulo ng Department of Social Sciences, maituturing na “status symbol” ang pagiging jejemon dahil sa pangangailangan ng mga taong ito na mapabilang sa isang natatanging grupo kung saan malaya nilang naipapahayag ang kanilang mga sarili.

“They (jejemons) want to belong in that particular in-group. Sociologically, they want to belong. It’s part of our basic need to belong, to be accepted, to be recognized,” ani Pedrosa.

Ayon naman kay Eros Atalia, propesor sa Filipino sa Faculty of Arts and Letters, bumubuo ng isang language trend ang mga jejemon.

“Maaaring sabihin na ang jejemon language ay bunga lamang ng nagbabagong panahon na dulot ng mabilis na pag-usad ng teknolohiya hatid ng texting at Internet,” ani Atalia.

Iginaya ni Atalia ang jejemon language sa mga sa nausong salita noong dekada ‘70 tulad ng “kilig to the bones,” “kilig to death,” at “yosi.” Ang sward speak o ang salita ng mga bakla, at ang pasosyal na pamamaraan ng pagsasalita ng ilang kolehiyala ay halimbawa din ng mga ito.

Ngunit para kay Jose Dakila Espiritu, guro sa Filipino at dating katulong na dekano ng College of Education, magdudulot ang jejemon language ng malaking kamaliang intelektuwal ang mga kabataang gumagamit nito.

Kamakailan nga ay naglunsad ng isang “all-out war” ang Department of Education laban sa mga jejemon sa nalalapit na pasukan. Ayon kay Mona Valisno, kalihim ng kagawaran, magdudulot ng masamang epekto sa sistema ng edukasyon sa bansa ang jejemon language.

“Mas makakalito sa larangan ng wastong gamit, ng wastong gramatika, at wastong balarila [ang paggamit ng jejemon language],” ani Espiritu. “Imbes na makatulong para mas mapahalagahan ang wika sa tunay na essence nito, mas magugulo pa.”

Aniya, kahit pa nagbabago ang wika kasabay ng panahon, marapat pa rin daw na gamitin ng kabataan kung ano ang tama at nakasanayang gamit ng balarila.

“Papayuhan ko sila (jejemon) na bumalik sa dati at huwag guluhin ang set-up ng utak lalo na iyong maliliit na bata na sa halip na matuto e mas malilito,” ani Espiritu sa mga kabataang tumatangkilik sa jejemon language.

Hindi rin nakikitaan ni Espiritu ng sining ang ganitong pamamaraan ng paggamit sa wika, kung hindi “sinisira lamang nito ang wastong baybay ng mga salita, hindi bumubuo ng bagong bokubolaryo at higit sa lahat, walang bagong matututunan.”

Kinontra ito ni Atalia na nagsabing hindi naman kasalanan ng kabataan kung nagsasalita sila ng wika ng kanilang panahon.

“Sinong magdidikta ng tama at mali? Akademiya ba o ang aktuwal na gumagamit ng wika? Ang papel ng akademiya ay una, ilarawan kung paano aktuwal na ginagamit ng tao ang wika. Pangalawa na siguro ang istandardisasyon,” ani Atalia.

Dagdag pa niya, hindi magdudulot ng pinsala sa ating wika ang jejemon language dahil alam ng mga taong gumagamit nito kung kailan dapat at hindi dapat gamitin ang ganitong pananalita.

“Kahit ganoon ang kaniyang pagbabaybay ay hindi naman niya intensyon na isubo sa iyo na ganito ka rin dapat magbaybay, ganito ka rin dapat magsalita, hangga’t hindi niya pinipilit ‘yong wika niya sa’yo, fine. Kung sa kanilang grupo nagsasalitaan sila ng ganoon, fine. Let’s leave them alone.”

Magkasalungat man ang paniniwala, nagkasundo naman sina Atalia at Espiritu na hindi maituturing na mahina ang pag-iisip ng mga jejemon.

“Hindi mahina ang ulo nila. Natutuwa lang sila na makisama at dumami ‘yang mga taong iyan na makiliti sa larangan ng pagsulat [at] pagbaybay [nila],” ani Espiritu. J.A.D. P. De Leon at P. I.B. Evangelista

filipino

eow pow sainu

eow... pow

Post new comment

  • Allowed HTML tags: <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <p> <br> <iframe>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options

User login

Recent comments

Disclaimer

Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.