Pamanang Tomasino sa wikang Filipino

Pluma at dila

KILALA ang mga Tomasino mula noon hanggang ngayon sa pag-unlad ng ating wika at panitikan. Gamit ang kapangyarihan ng pluma at dila, inangat nila ang wikang Filipino sa antas na maaaring maipagmalaki sa buong mundo at makapagpabago ng lipunan.

Jose Rizal: Doktor ng mga panitik

Kilala si Rizal sa mga akdang nakasulat sa wikang Kastila, ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami, sumulat din siya ng mga tula sa Tagalog.

Isa sa mga pamana ni Rizal ang tulang “Sa Aking mga Kababata,” ang kauna-unahang tulang isinulat niya gamit ang katutubong wika sa edad na walong taon. Halaw ang mga sumusunod na linya na nagpapakita ng kanyang pagiging nasyonalistiko simula pa noong kanyang kabataan: Ang hindi magmahal sa kanyang salita/ Mahigit sa hayop at malansang isda/ Kaya ang marapat pagyamaning kusa/ Na tulad sa inang tunay na nagpala.

Kabilang din sa kanyang mga tulang nakasulat sa Tagalog ang “Awit ni Maria Clara,” na bahagi ng nobelang Noli me Tangere, at “Kundiman,” na nagpapakita ng pag-ibig sa tinubuang bayan.

Sumulat din si Rizal ng liham para “Sa Mga Kababayang Dalaga ng Malolos” noong 1889 upang suriin ang katayuan ng kababaihang Pilipina noong panahong iyon, at bigyang-puna ang hiling nilang makapag-aral ng wikang Kastila.

Sa limang taon niyang pamamalagi sa Unibersidad mula 1877 hanggang 1882, nakapagtapos siya ng Metapisika mula sa dating Faculty of Philosophy and Letters (Faculty of Arts and Letters na ngayon) at nag-aral ng isang taon sa Faculty of Medicine and Surgery. Tumungo siya sa bansang Espanya para ipagpatuloy ang pagkuha ng Medisina, kung saan siya naging manunulat sa pahayagang La Solidaridad gamit ang sagisag-panulat na “Laon Laan” at “Dimasalang.”

Marcelo del Pilar: Patnugot ng reporma

Naging patnugot ng La Solidaridad si Marcelo Del Pilar gamit ang sagisag-panulat na “Plaridel,” at itinatag ang Diariong Tagalog, isang pahayagang gumising sa kaisipang makabayan ng mga mahihirap na Pilipino.

Sumulat si Del Pilar ng mga satira sa Tagalog laban sa mga Kastilang prayle, gaya ng “Dasalan at Tuksuhan” at “Kaiingat Kayo.” Tinuligsa ng mga ito ang bulok na pamamalakad ng mga dayuhang pari. Ilan sa mga linya ang “Amain Namin” (“Amain naming sumasaconvento ka, sumpain ang ngalan mo, malayo sa amin ang kasakiman mo, gilitin ang liig mo dito sa lupa para nang sa langit…”), “Aba Guinoong Baria” (“Aba guinoong barya nakapupuno ka nang alkansya…”) at “Ang Mga Utos Nang Prayle” (“Ang mga utos nang prayle ay sampo: Ang nauna: Sambahin mo ang prayle na lalo sa lahat…”)

Nagtapos ng kursong abogasya si Del Pilar sa Unibersidad noong 1880 at naging isa sa mga pangunahing propagandista noong panahon ng Kastila.

Emilio Jacinto: Katipunerong manunulat

Kinilala bilang “Utak ng Katipunan,” nagsilbing kanang kamay ni Andres Bonifacio si Emilio Jacinto sa pamamahala ng mga Katipunero noong panahon ng Kastila.

Kumuha si Jacinto ng abogasya sa Unibersidad mula 1893 hanggang 1896, ngunit hindi niya ito natapos dahil sa pagsali niya sa kilusan.

Gamit ang sagisag-panulat na “Dimas-Ilaw,” naging patnugot si Jacinto ng Ang Kalayaan, ang opisyal na pahayagang Tagalog ng lihim na samahan.

Kabilang din sa kanyang mga akda ang Kartilya, na naglalaman ng 13 panuntunan ng Katipunan tungkol sa pag-ibig at pagpapahalaga sa kapwa. Kabilang dito ang mga panuntunan ukol sa pagkakapantay-pantay (“Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay...”) at pagpapahalaga sa kababaihan (Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan, kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong buhay...”).

Manuel Quezon: Patron ng wika

Bilang unang pangulo ng pamahalaang Komonwelt mula 1935 hanggang 1945, malaki ang naitulong ni Manuel Quezon sa pagpapaunlad ng paggamit ng ating wika.

Sa tulong ng pitong kasapi ng National Language Institute, idineklara ni Pangulong Quezon ang wikang Tagalog bilang wikang pambansa noong Disyembre 30, 1937. Dahil dito, kinilala siya bilang “Ama ng Wikang Pambansa.”

Noong 1959, pinalitan ang Tagalog ng wikang “Pilipino” dahil sa pagtuligsa ng ibang mga katutubo na gawin itong pambansang wika na bukas sa wika ng kanilang rehiyon. Sa ilalim ng Saligang Batas ng 1987, pinalitan ang wikang Pilipino ng “Filipino.”

Nakapagtapos si Quezon ng kursong abogasya sa Unibersidad noong 1903, at naging pang-apat siya sa may pinakamataas na marka sa bar examinations.

Jose Villa Panganiban: Ama ng Varsitarian

Bukod sa pagtatag ng Varsitarian noong 1928, itinuturing na pinakamahalagang naiambag ni Jose Villa Panganiban sa kaban ng panitikang Filipino ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles, na kinilala bilang pinakatiyak na akda ukol sa Filipino bilang pambansang wika.

Ilan sa kanyang mga isinulat ang “Panitikan ng Pilipinas Sa Filipino At Mga Katutubong Wikain,” “Panitikan Ng Pilipinas” at “Isip, Wika at Damdamin Sa Pilipino.”

Nakapagtapos si Panganiban sa Unibersidad ng Litt. B. in Journalism mula sa dating Faculty of Philosophy and Letters noong 1929 at bachelor of Secondary Education noong 1935.

Bilang pag-alaala sa dating komisyoner sa Wikang Filipino, isinulat ni Dr. Vicente Rosales, Sr., dating punong patnugot ng Varsitaiian, ang librong Jose Villa Panganiban (1903-1972): A Personal Memoir.

Alejandro Abadilla: Pag-unlad ng sariling wika

Nagtapos ng Pilosopiya noong 1931, itinatag ni Alejandro Abadilla ang Kapisanang Balagtas na naglalayong palaguin ang paggamit ng wikang Tagalog. Dahil dito, binansagan siyang “Ama ng Makabagong Tulang Tagalog” ni Pedro Ricarte, kritiko ng panitikan at tumanggap ng Gawad Palanca para sa Sanaysay noong 1983. Naging patnugot si Abadilla ng magasing Panitikan, na naglayong maiangat ang kalidad ng panitikang Tagalog.

Sa tulong din niya, naitatag ang Kapisanang Panitikan noong 1935, na binubuo ng mga sakdalista at aristokrata. Kabilang sa samahan ang mga manunulat sina Teodoro Agoncillo, Brigido Batungbakal, at Genoveva Edroza-Matute.

Nakilala si Abadilla sa kanyang mga nobelang Sing-ganda ng Buhay at Pagkamulat ni Magdalena, gayundin ang koleksiyon ng mga tulang “Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula” at “Piniling mga Tula ni AGA.”

Ponciano B.P. Pineda: Tomasinong Filipinologist

Itinuring si Ponciano Pineda bilang “Ama ng Komisyon sa Wikang Filipino” dahil sa pagsulong niya na maitatag ang komisyon batay sa Seksiyon 9 ng ating Saligang Batas.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, sinimulan ni Pineda ang mga sosyo-linggwistikong pananaliksik, na layong palaguin ang wikang pambansa. Isa na rito ang patungkol sa repormang ortograpiya ng wikang Filipino.

Inilathala ni Pineda ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino, na nagsilbing pundasyon ng pambansang leksikograpiya.

Sa tulong ng dating kalihim ng Kagawaran ng Pilipino na si Jose Villa Panganiban, nakapagtapos si Pineda sa Unibersidad noong 1948 sa kursong Associate in Arts. Bukod dito, naging patnugot rin si Pineda ng Filipino sa Varsitarian.

Bukod sa pagiging isang magaling na awtor ng librong pang-akademiko, isa rin siyang Filipinologist o eksperto sa kulturang Pilipino.

Kabilang sa kanyang mga akdang pambalarila ang “Pagpupulong: Mga Tuntunin At Pamamaraan,” “Pandalubhasaan Sining Ng Komunikasyon,” at “Sining Ng Komunikasyon Para Sa Mataas Na Paaralan.”

Pinarangalan ng Gawad Palanca si Pineda ng una at ikalawang gantimpala para sa kanyang mga maikling kuwentong “Ang Mangingisda” (1958) at “Malalim ang Gabi” (1953).

Bilang isang natatanging alagad ng sining, iginawad din kay Pineda ang Parangal Hagbong ng Varsitarian noong 2001.

Rogelio Sicat: Masining na mamamahayag

Bilang isang manunulat at guro, nakilala si Rogelio Sicat sa kanyang maikling kuwentong “Impeng Negro,” na nagtamo ng ikalawang gantimpala sa Gawad Palanca noong 1962. Unang lumabas ang Impeng Negro sa pahayagang pampanitikang Liwayway noong 1962. Tungkol ito kay Impeng, isang “Fil-Am” na tinutukso dahil sa kanyang kulay at nasyonalidad.

Nagtapos si Sicat ng kursong Journalism sa Unibersidad noong 1964, kung saan siya naging patnugot ng Panitikan ng Varsitarian. Kabilang sa kanyang mga akda ang Dugo sa Bukang-liwayway, Pagsalunga: Piniling Kuwento at Sanaysay, at Tatlo sa Tanghalan.

Bienvenido Lumbera: Makabayang kritisismo

Dahil sa kanyang mga akdang umaadhika sa pagsulong ng wika at panitikang Filipino, hinirang noong Hunyo si Bienvenido Lumbera bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan.

Isinulong ni Lumbera ang pagpapahinto ng English-only requirement sa pagtuturo. Ilan sa kanyang mga akda ang , Likhang Dula, isang koleksiyon ng kaniyang mga tula, at Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan, isang akdang kritisismo.

Kumuha si Lumbera ng kursong Journalism sa UST noong 1950 at naging patnugot ng Panitikan sa Varsitarian noong 1953.

Cirilo Bautista: Makatang bilingual

Noong 1993, hinirang si Cirilo Bautista bilang “Makata ng Taon” ng Komisyon ng Wika dahil sa kanyang tulang “Ulat Buhat sa Bulkan” na tungkol sa kanyang panghihinayang nang mabaon sa mga abo ng bulkan ang kanyang pinaghirapang mga katha. Napatunayan din niya ang kahalagahan ng pagsusulat sa parehong wikang Ingles at Filipino dahil sa kanyang magagandang akda tulad ng Ilang Aeta Mula sa Botoan.

Nakapagtapos si Bautista na magna cum laude sa kursong Literature noong 1963. Kabilang sa kanyang mga naisulat ang tulang “Kirot ng Kataga,” na tungkol sa kanyang pagtuligsa sa gobyernong mapaniil at abusadong mga dayuhan; at ang nobelang Galaw ng Asoge na tumutukoy sa masalimuot na bagyo sa pulitika at lipunan noong dekada sisenta at sitenta.

Leonardo Mercado: Ama ng Filipinong Pilosopiya

Bukod-tanging nakilala si Leonardo Mercado sa kanyang pagsulat tungkol sa Pilosopiya, Teolohiya at Linggwistikong Filipino mula pa noong dekada ‘70.

Tatlong dahilan ang nagtulak kay Mercado na magsulat tungkol sa Pilosopiyang Filipino. Kabilang dito ang paniniwala niya sa religious nationalism o pagkilala sa mga paring Pilipino.

Naging inspirasyon din kay Mercado ang panahon bago ang Batas Militar. Nagtapos ng doctorate in Philosophy sa Unibersidad noong 1973, tumatak sa kanyang isipan ang pagiging utak-kolonyal ng mga Pilipino. Sa kanyang artikulong “On Filipino Identity and Intellectual Colonialism,” idiniin ni Mercado na ang pagiging makanluranin ng ating sistema ng edukasyon ang siyang dahilan kung bakit nawawala ng pagkakakilanlan ang mga Pilipino.

“Malalaman ang pilosopiya ng isang kultura sa pamamagitan ng pag-aaral ng wika nito,” aniya sa Varsitarian.

Dagdag pa niya, mabisang instrumento ang Pilosopiyang Filipino sa pagkakaroon ng inkulturasyon, o pag-aangkop ng kultura.

Nagkamit si Mercado ng Catholic Writer’s Award noong 1995, at naitalaga siya bilang kalihim ng Episcopal Commission for Interreligious Dialogue ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines mula 1999 hanggang 2005. Kasalukuyan siyang direktor ng Divine Word Missiological Education and Research Office at nagtuturo sa UST Graduate School.

Kabilang rin sa kanyang mga akda ang Essays on Filipino Philosophy, Filipino Face of Christ, Inculturation and Filipino Theology, Political and Legal Philosophies: Western, Eastern and Filipino, The Filipino Mind, at Elements of Filipino Ethics.

Michael Coroza: Makata ng bagong henerasyon

Pinagkalooban si Michael Coroza ng Gawad Pagkilala ng Komisyon sa Wikang Filipino noong Abril 2005 bilang pagpapahalaga sa kanyang mga naiambag sa panitikan.

Nagkamit siya ng apat na parangal mula sa Gawad Don Carlos Palanca para sa Panitikan para sa kanyang sanaysay na “Si Nanay, Si Lolo Ceferino, Ang Lira, at si Eliot o ang Henesis ng Aking Pananaludtod” (2002), at tatlong tulang “Putol” (1991), “Ako, Bana, Ama” (1998), at “Mga Lagot na Liwanag” (2001).

Nakapagtapos si Coroza sa kursong Philosophy noong 1990 at naging patnugot ng Filipino sa Varsitarian noong 1990. Kasalukuyan siyang nagtuturo sa UST Graduate School.

Isinalin din ni Coroza sa wikang Filipino ang ilan sa mga akda nina Nick Joaquin, N.V.M. Gonzalez, Bienvenido Santos, at dating pangulong Diosdado Macapagal.

Josephine Acosta-Pasricha: Indolohistang Pilipino

Bilang isang indolohista o eksperto sa kulturang Indian, isinalin ni Josephine Pasricha sa wikang Filipino ang epikong Ramayana ni Valmiki, at ang pitong aklat ng Ramacharitamanasa ng makatang si Tulasi Dasa. Naging patnugot din siya sa pagsasalin sa Filipino ng Kama Sutra nina Marvin Reyes at Paz Panganiban. Kasalukuyang nagtuturo si Pasricha ng Katolikong peminismo sa UST Graduate School.

Nakapagtapos si Pasricha sa kursong Philosophy noong 1964, masters in Philosophy noong 1976 at doctorate in Philosophy noong 2000 sa Unibersidad. May-ari rin siya ng isang travel agency at madalas nagpupunta sa ibang bansa para ikonteksto sa kaniyang mga estudyante ang kultura ng dayuhan sa Filipino.

Nagsilbing instrumento ang mga Tomasino sa pagbabago at pagyaman ng wikang Filipino sa kanilang mga naging kontribusyon. Sa pagsulat at pagbigkas gamit ang sariling wika, naipakita nila sa mga Pilipino ang kahalagahan ng sariling pagkakilanlan, sa puso, salita, at diwa. Raychel Ria C. Agramon at Lee V. Villanueva

Tomo LXXVIII, Blg. 3 • Agosto 18, 2006

Post new comment

  • Allowed HTML tags: <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <p> <br> <iframe>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options

User login

Recent comments

Disclaimer

Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.