PAANO nga ba nasusukat ang kahusayan ng isang peryodista? Ano ba ang mga pamantayan, at sino ang may karapatang humusga?
Sa aking paniniwala, ang isang magaling na peryodista ay hindi iyong gumagamit ng mga malalalim at modernong salita sa pagbabalita at mabubulaklak na pananalita para makapagbigay ng impresiyong siya ay mahusay at may malalim na pag-iisip.
Sa halip, ang isang magaling na peryodista ay iyong malayang nakapaghahatid ng pinakasariwang balita sa pinakasimpleng paraang maaari. Sariwa, dahil ito ang masasabing pre-requisite sa pag-uulat ng balita, at simple dahil ang layunin ng isang pahayagan ay maghatid ng balita na maiintindihan ng lahat ng kaniyang mambabasa.
Subalit sa paglipas ng panahon, tuluyan na nga rin bang nagbago ang pamantayan ng mga mambabasa sa tunay na layunin ng pamamahayag?
Kamakailan lamang, sa aking pagbisita sa website ng Varsitarian, marami akong nabasang puna ng ilang mambabasa ukol sa pagkakasulat o pagkaka-edit ng mga breaking news tungkol sa mga nakaraang laro ng Growling Tigers sa UAAP.
Partikular na naging usapin sa website ang mga salitang ginamit sa pamagat ng mga balita. Mayroong mga nagsabing hindi nararapat gamitin ang mga salitang ito sa kuwento sapagkat hindi raw ito akma sa kinalabasan ng laro ng Tigers. Mayroon din namang mga sumang-ayon sa pagkakagamit ng mga salita.
Hindi ko intensiyon na pigilan ang mga taong ito na maghayag ng kanikanilang opinyon sa kung ano ang pinaniniwalaan nilang tama at di-tamang gamitin na salita sa bawat istorya na kanilang nabasa. Hindi ko rin sinasabing mali ang pananaw ng mga kumontra sa pagkakasulat ng mga balita.
Ilan sa mga nabasa kong komento ay may magandang punto na nais iparating. Nagbibigay ng kaalaman sa iba pang mambabasa kung ano sa tingin nila ang tamang paraan ng pagsulat, dahil sa kanilang paniniwala, sila ang may higit na kaalaman.
Ang iba namang mambabasa ay piniling intindihin na lamang ang nilalaman ng mga balita sa halip na sumali pa sa pagtatalo ng iba.
Sa aking pananaw, ang higit na dapat pagtuunan ng pansin sa mga ganitong bagay ay ang nilalaman ng istorya. Sa halip na pagtalunan ang mga salitang ginamit, basahin at intindihin na lamang ang kuwento sa likod ng balita. Alamin kung matagumpay bang naipahayag ng manunulat ang mga kaganapan sa larong basketball at isalaysay ang mahahalagang eksena na nangyari sa court.
Subalit sa aking nakita, naisip kong hindi ito ang mahalaga sa mga mambabasa na nagkomento ng negatibo sa mga balita sa website. Mas binigyan nila ng pansin ang mga salitang ginamit sa pamagat ng kuwento at hindi na pinahalagahan ang nilalaman nito.
Para sa isang manunulat, nakalulungkot isipin na mayroong mga tao na ganito ang pagtrato sa mga balita.
Matibay ang aking paniniwala na hindi lahat ng gusto ng bawat mambabasa ay dapat na ilagay sa balita. Dapat maintindihan din ng mambabasa na may sariling istilo at diskarte ang mga reporter sa pagsusulat ng balita.
Natutunan ko ang mga bagay na ito sa isang taon kong pamamalagi bilang isang sports writer ng Varsitarian. Alam ko ang mga pinagdaraanan ng isang sports writer sa pagko-cover ng mga liga. Naiintindihan ko ang mga hirap na kailangang danasin upang makapaghatid ng magagandang balita para sa mga mambabasa sa abot ng kanilang makakaya. Dagdag pa rito ang mga sakripisyo ng patnugot ng seksiyon at punong-patnugot ng pahayagan upang siguraduhing tama at sustantibo ang mga detalye na binabanggit sa bawat balita. Kasama rin ang sermon at kahihiyan na kailangan nilang harapin sakaling dumating ang pagkakataon na may mailathala o, sa kaso ng website, mailagay ang maling impormasyon.
Kung isasaalang-alang natin lahat ng dinaranas ng isang reporter bago pa mailabas ang kaniyang balita, naniniwala akong marapat lamang na bigyan sila ng kahit kaunting konsiderasyon at paggalang mula sa mga mambabasa na karamihan sa kanila ay ang ginagawa lamang, maliban sa panonood ng laban para sa ilan, ay maghintay sa pagkakalathala ng diyaryo o pagbabasa ng balita mula sa kanilang mga computer.
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
May point ka, but I believe a
May point ka, but I believe a writer's hard work is put to waste by a poorly edited article. Mahalaga na maayos ang editing ng article because that's what the reader gets.
"Kung isasaalang-alang natin lahat ng dinaranas ng isang reporter bago pa mailabas ang kaniyang balita, naniniwala akong marapat lamang na bigyan sila ng kahit kaunting konsiderasyon at paggalang mula sa mga mambabasa na karamihan sa kanila ay ang ginagawa lamang, maliban sa panonood ng laban para sa ilan, ay maghintay sa pagkakalathala ng diyaryo o pagbabasa ng balita mula sa kanilang mga computer."
Sa naka-quote naman, it is a writer's responsibility to give GOOD QUALITY and not just substandard articles, and it is the duty of an editor to verify, edit (and not just spelling and grammar check), and make the quality of the article PUBLISHABLE. A reader won't care about your HARD WORK, they care about the article and they have the RIGHT to complain if they find your article not good enough.
Post new comment