‘Tao’ exhibit ni Buen Calubayan

Ang sari-saring larawan ng konsumerismo

MAKUKUHA sa tingin ang sinumang tititig sa mga natatakam na mga mata ng imaheng nakaguhit sa obrang “I Want You” ng Tomasinong pintor na si Buen Calubayan.

 

Kabilang ang larawang ito sa mga malikhaing sining na makikita sa pinakabagong art exhibit ni Calubayan na pinamagatang “Tao,” na pinasinayaan sa 1/ of Gallery ng Serendra Shops, sa Fort Bonifacio, Taguig. Sa pamamagitan ng sari-saring pamamaraan ng pagguhit at paglikha ng mga art installations, mahusay na nailarawan ni Calubayan ang ideolohiya ng konsumerismo.

Aniya kung susuriin, mabuti ang asal ng mga tao. Makikitang hindi naman talaga nagbabago ang pagiging primitibo ng mga pag-uugali ng mga ito na patuloy na umaasa sa iba upang mabuhay.

“Bagama’t hindi na sila gumagamit ng mga sibat ngayon, nangangaso pa rin sila upang mabuhay sa mga supermarket, kung saan lahat ng bagay ay nagmula sa pawis ng iba, gamit ang kanilang pera,” ani ni Calubayan.

Ginamit ni Calubayan ang naturang tema upang maipakita ang pagiging materyalistiko ng tao at kung paano nito binago ang kani-kanilang pamumuhay. Higit na pinahahalagahan ngayon ang kontribusyon ng isang tao sa lipunan kaysa sa kanilang kapakanan. Ang kaisipang ito ang nakaukit sa mga nilikha ni Calubayan.

“Nabubuhay na lamang tayong lahat sa pinaghirapan ng iba,” sabi ni Calubayan. “Isang commodity na lang ang tingin natin sa isa’t-isa,”

Mula sa paniniwalang ito nagmula ang mga konsepto ng art installations na makikita sa Tao tulad ng alopombra na nakapaligid sa buong gallery na nanggaling sa buhok ng tao, fly traps, plastic ng basura, bubble wraps. Ayon sa pintor, isa raw itong metapora na nagpapakita ng pagtapak ng tao sa sariling dignidad kapalit ng ginhawa.

Binubuo naman ng mga maliliit na microwavable plastic na naglalaman ng sari-saring uri ng lupa at mga pangkaraniwang abubot ang art installation na makikita sa may harapan ng gallery. Tinutuya ng nasabing obra ang mga makakakita nito sa pamamagitan ng pagpapakita kung papaano mapagkakasya ang ipinagmamalaking nilang pagiging indibidwal sa ganoong kaliit at simpleng na pakete.

Putik, bakal, at kalawang

Istilong surrealism at ang mga kulay ng putik, bakal at kalawang ang karaniwang ginamit ni Calubayan sa pagpipinta ng iba’t-ibang mukha ng konsumerismo na kanyang inihulma sa matitingkad at malalamlam na likuran.

Tulad ng “I Want You, “ ang “Bar Code Series” ni Calubayan ay nagpapahiwatig rin ng konsumerismo ng tao. Maihahalintulad ang obrang ito sa mga eskaparate ng tindahan kung saan ang mga mukhang iginuhit ng pintor ay nakahilera na tulad ng mga bilihing tinda.

Isang “makabagong bahaghari” ang nais ipamalas ni Calubayan sa “Tetanus, bakal, at monopoly,” na kumakatawan sa interpretasyon niya sa katotohanan na kung saan kahit ang tao raw ay mayroon na ring katapat na presyo.

Nagpapakita naman ng kapusukan ang “Metamphetamine” ni Calubayan. Madarama ang nasabing emosyon kahit sa simpleng pagtingin lamang sa larawan na may mukhang nakakunot na nakaguhit sa pulang likuran.

Tinangka ni Calubayan na pagkasyahin ang sitwasyon ng mga taong “nakakulong” sa sistema ng konsumerismo sa obrang ito.

Sa kabila ng kontrobersyal na mensaheng nais iparating ng mga larawang ipininta ni Calubayan, hindi nilalayon ng pintor na magdikta. Aniya, nasa mga mata at isipan pa rin ng mga taong nakakita ng kanyang mga obra kung paano nila gustong bigyan ng kahulugan ang kanyang paniniwala.

“Sarili kong kultura lamang ang ibinabahagi ko sa aking sining,” sabi ni Calubayan. Samuel Raphael P. Medenilla

Tomo LXXIX, Blg. 3 • Setyembre 7, 2007

Post new comment

  • Allowed HTML tags: <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <p> <br> <iframe>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options

User login

Recent comments

Disclaimer

Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.