
Agosto 28, 5:19 p.m. - SA KABILA ng malamyang simula, nagawa pa ring pataubin ng UST Growling Tigers ang University of the East Red Warriors, 54-45, sa kanilang sagupaan sa Smart-Araneta Coliseum kanina.
Dahil sa panalo, napanatili ng UST ang ika-apat na puwesto sa pamamagitan ng 6-5 na kartada.
“Ito ang momentum na hinihintay namin; sana tuluy-tuloy na,” ani coach Pido Jarencio. “Ang sama ng depensa namin nung first half pero gumanda rin nung late game na.”
Pinangunahan ni bigman Karim Abdul ang Tigers sa pamamagitan ng 16 puntos at 13 rebounds. Katambal nya sa opensa si backcourt chieftain Jeric Fortuna na nag-ambag ng 11 puntos.
Umiskor ng isang three-point play si Abdul sa nalalabing 13.4 segundo ng huling kanto upang palobohin ng 11 puntos ang kanilang lamang, 54-43.
Bumuwelta ang Tigers makaraan ang passive na first half nang paigtingin nila ang kanilang depensa at magtala ng pitong steals at limang blocks. Tatlo sa mga blocks ay mula kay Abdul na humataw sa huling dalawang kanto.
Sa unang yugto ng laro, nakalusot si Fortuna sa depensa ng dalawang Warriors at bumitaw ng isang teardrop upang maiangat ang UST sa UE, 11-9.
Sa kabila ng matinding depensa ng UST, nakahanap ng butas si Erwin Duran ng UE upang pumukol ng isang two-pointer, 33-37. Jan Edward B. Ballesteros
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment