Agosto 11, 8:01 p.m. - PATULOY ang pamamayagpag ng De La Salle Green Archers kontra sa Growling Tigers matapos nilang padapain ang UST, 74-71, sa kanilang laban sa Smart-Araneta Coliseum kaninang hapon.
Dahil sa pagkatalo, bumagsak sa ikalimang puwesto ang Tigers na may 3-4 na kartada sa pagtatapos ng unang round ng UAAP basketball. Pumang-apat naman sa standings ang Archers na mayroon nang 4-3 record.
Umabot sa 23 puntos ang lamang ng Archers sa huling bahagi ng ikalawang kanto. Pinangalagaan nila ang kalamangan hanggang sa huling bahagi ng last quarter kung saan dumikit ang Tigers, 71-72, sa pamamagitan ng 11-3 run.
Lalong nabuhayan ang Tigers nang magmintis ng dalawang free throws si Jarelan Tampus ng La Salle.
Ngunit suwerteng nakuha ni Tampus ang offensive rebound matapos ang ikalawang mintis. Muli siyang na-foul at umiskor sa dalawang free throws sa pagkakataong ito.
Nagkaroon pa ang UST ng pagkakataong itabla ang laban ngunit sumablay si rookie Kevin Ferrer sa kanyang tangkang three-pointer.
“Ngayong tapos na ang first round, dapat sana ay pataas tayo,” ani Institute of Physical Education and Athletics director Fr. Ermito De Sagon, O.P. “Kaya pa natin ito. Hindi pa huli ang lahat.”
Higit naman pinahalagahan ni coach Pido Jarencio ang kalusugan ng kanyang mga manlalaro matapos pulikatin si team captain Jeric Fortuna sa huling bahagi ng laro.
“Nag-aalala talaga ako ngayon sa kalusugan ng mga batang ito,” ani Jarencio. “Inalala ko na yung mga bata kanina, lalo na si Kevin na kakabalik lang matapos ma ospital ng tatlong araw [dahil sa trangkaso]. Manalo, matalo sila ang inaalala ko.” Rodolfo Serafin Jerome T. Lozada
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment