Agosto 10, 4:59 p.m. - TINAPOS ng UST Tigresses ang unang round ng elimination na may 7-0 kartada matapos nilang patumbahin ang mas matatangkad na De La Salle University Lady Archers sa iskor na 60-53 sa kanilang laban sa Ateneo Blue Eagle Gym kaninang umaga.
Pinangunahan ni Paula Bombeo ang Tigress sa pamamagitan ng 12 puntos habang nagtala naman si Juvelyn Andaya ng 10 puntos at apat na steals.
“Ang depensa at teamwork ang nagpapanalo sa amin,” ani Tigresses coach Chris Cantonjos. “Kahit na matinding kalaban ang DLSU, lumabas pa rin ang maturity ng mga players.”
Nanatili sa unang pwesto ang Tigresses habang nanatili sa pangalawang pwesto ang Lady Archers na may limang panalo kontra sa dalawang talo.
Nagpakita rin si Bombeo ng matinding depensa nang kaniyang supalpalin ang Lady Archer na si Aracelie Abaca na nagtangkang kunin ang lamang sa pamamagitan ng isang post-up play na may 59 segundo na lamang ang nalalabi sa laban. Lamang noon ang Tigresses, 51-50.
Sinundan pa ito ng dalawang sunod na two-pointers mula kay Bombeo, upang lalo mapalawig ang lamang ng Tigresses, 55-50, nang may isang minuto at 27 segundo pang natitira sa laro.
Muling umigting ang depensa ng DLSU sa sumunod na possession na naging dahilan upang makagawa ang UST ng isang turnover.
Ngunit madaling nakabawi ang Tigresses sa pamamagitan ng matinding depensa sa low post. Ito ang naging dahilan upang makaagaw si Mejia ng bola ngunit nakagawa naman ng isang unsportsman-like foul si Wilson nang may 19 na segundo na lamang ang natitira.
Nagkaroon ng kaunting pag-asa ang Lady Archers nang ma-foul ni Mary Galicia si Abaca matapos magmintis si Bombeo mula sa freethrow line. Naibuslo si Abaca ng isang freethrow para sa iskor na 58-53 sa huling 17 segundo ng laban.
Nakapagbaon si Jeanine Ong ng dalawang freethrows matapos muling makagawa ng isang unsportsman-like foul ang DLSU sa huling 11 segundo ng laban.
Naging maigting ang laban ng dalawang koponan sa unang half ng laro hanggang sa umalagwa ang Tigresses sa ikalawang yugto matapos gumawa ng isang 7-0 run na pinangunahan ng midrange jumper ni Andaya at three-pointer ni Kristine Siapoc, 28-18. Ngunit ito ay sinagot ni Hannah Viterbo ng dalawang sunod na tres upang ilapit ang laro sa 28-26 na puntos. Chenny V. Ramos
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment