Agosto 7, 6:26 p.m. - ITINALA ng Growling Tigers ang kanilang ikatlong panalo matapos ilampaso ang UP Fighting Maroons, 68-49, sa kanilang laban sa Smart- Araneta Coliseum kaninang hapon.
Muling pinangunahan ni Jeric Fortuna ang koponan sa pamamagitan ng 16 puntos at siyam na rebounds.
Dahil sa panalo, umangat ang Tigers sa ikaapat ng puwesto, kapantay ang De La Salle Green Archers na mayroon ding 3-3 na kartada sa kasalukuyang UAAP basketball tournament.
Sinubukan ng Maroons na humabol sa huling yugto ngunit naging matatag ang Tigers. Pumukol ng tres si Fortuna sa nalalabing 23 segundo ng laro upang tuluyang ibaon ang UP.
“Hindi namin minaliit ang UP kasi tinalo nila ang FEU," ani Fortuna. “Inexpect namin yung worst pero sabi ko sa kanila, maging aggressive at confident kahit natatalo na kami [sa nakaraang tatlong laban].”
Maagang nawala si Jeric Teng sa laro dala ng pagkatapilok. Ngunit pinanatili ng Tigers ang kanilang lamang na hindi bumaba sa sampu sa kabuuan ng laro.
Nag-ambag ng 13 puntos si Carmelo Afuang at umiskor naman ng walo si Chris Camus. Pinagharian naman ni Karim Abdul ang low post sa pamamagitan ng walong puntos at 14 rebounds. Jan Edward B. Ballesteros
Readers' comments posted in this site do not necessarily reflect the editorial position of the Varsitarian. The Varsitarian does not knowingly publish false information and may not be held liable for the views of readers exercising their right to free expression.
Post new comment